Nagsagawa ng clearing at dismantling operations ang pamunuan ng Barangay Maunlad katuwang ang mga empleyado ng isang petroleum company sa lungsod sa paligid ng depot nito sa nasabing barangay.
Ayon kay Punong Barangay Alfredo Mondragon, ito ay kasunod ng naganap na sunog kamakailan kung saan labing isang pamilya ang nawalan ng tirahan sa kanilang lugar.
Paliwanag ng opisyal, sa lugar din kasi na ito malapit ang naganap na sunog na kung inabot ang depot ng isang gas company sa lungsod ay tiyak anyang mas maraming madadamay.
“Batas ang pinapairal natin dito dahil bawal ‘yan lalo na at idinikit nila sa pader ng isang depot ang kanilang mga balag sa tanim na gulay. May iba naman na sa pader din idinikit ang mga kulungan nila ng manok na kung saan, light materials kasi ang mga ‘yan ay highly combustible kaya delikado talaga,” ani Kapitan Mondragon.
Sinabi pa ni Mondragon na napaabisuhan naman nila ang kanilang mga kabarangay pero hindi parin giniba ng mga ito ang kanilang mga istraktura kaya sila na mismo anya ang umaksyon.
“Sila rin kasi ang magiging biktima dyan kaya mas maganda na umiwas na kaagad bago pa tayo magsisi. Wala namang masama sa magtanim ng gulay at ginagawa din natin ‘yan sa barangay pero dapat ay nasa tamang lugar lang at hindi doon sa pwedeng maging sanhi ng mas malaking problema,” dagdag ng Punong Barangay.
Samantala, matapos ang clearing operations ay nagsagawa rin ng pagbisita sa Purok Maunlad sa Barangay Irawan ang mga opisyales ng Maunlad kasama ang mga pamilyang nawalan ng tirahan sa kanilang lugar upang makita ang paglilipatan ng mga ito.
Discussion about this post