Patuloy ang ginagawang paghahanda ng Commission on Elections (COMELEC) Puerto Princesa para sa darating na National and Local Elections sa ika-13 ng Mayo.
Ayon kay Atty. Ferdinand T. Bermejo, City COMELEC Officer, 90 porsiyento na silang handa at patuloy ang pakikipag-ugnayan ng kanilang tanggapan sa Department of Education (DepEd) para sa listahan ng mga magiging miyembro ng Electoral Board na aakto sa darating na eleksyon.
Aniya,”On the process na yan nakapagpadala na kami ng request sa DEPED para ifill-up nila kasi doon sa ating general instructions ang preference talaga na magserve ay public school teachers.”
Nakikipag-ugnayan din sila sa Bureau of Fire Protection (BFP) para sa pag-inspection sa mga school buildings na gagamitin sa araw ng botohan sa buong Puerto Princesa.
Sa usapin naman pagdating sa seguridad ng lungsod sa darating na halalan ay nakipagtulungan na ang kanilang ahensya sa Arm Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) upang masiguro na magiging ligtas at mapayapa ang darating na eleksyon.
Samantala nagsimula na ang Gun Ban nitong ika-13 ng Enero kung saan ipinagbabawal ang pagdadala ng baril o ano pa mang mapanganib na armas, kasabay din nito ay ang paglalatag ng mga COMELEC check points at ang pagpapaigting sa mga beat patrols at mobile patrols.
Magsisimula naman ang campaign period para sa senatorial candidates at party-list groups sa ika-12 ng Pebrero at ang sa Local Election naman ay sa Marso 29. Ito ay sabay na magtatapos sa Mayo 11.
Ipinagbabawal din ang pangangampanya sa mga araw ng Huwebes Santo at Biyernes Santo.
Pinaliwanag din ni Comelec Officer Bermejo ang mga patakaran sa pangangampanya, sinabi niya na, “mayroong lamang mga designated common poster area dito sa lungsod kung saan doon lang maglalagay ng mga campaign posters at may mga corresponding sizes yun at kapag may mga over size dyan at nagpost sa outside common poster area ino-notify namin yung candidate to pull that out if not kami ang kukuha at mayroong mga possible charges na ipafile laban sa kanila.”
Batay din sa batas, P5.00 kada isang botante lamang ang dapat na gugulin ng isang kandidato at nararapat ding ideklara nila ang mga donasyon para sa kanila.
Iginiit din ni COMELEC Officer Bermejo ang mga paratang na di umano ay may pandarayang nagaganap sa COMELEC.
Ayon sa kanya hindi Comelec ang humahawak sa mga official ballots at ballot boxes dahil base sa batas ang City Treasurer ang custodian ng mga ito at ang mga machines naman ay diretso na inihahatid sa mga schools ng mga courier.
“Sa pagdeliver may escort yan na mga police at may sumasama din minsan na mga representatives from Comelec. So nandoon ang mga teachers para ireceive yung machines na yan sa kanilang respective precincts naka pack pa yun naka karton so di mo makikita bubuksan yun sa final testing and ceiling. Kaya wala kaming hawak n’yan tapos sasabihin na mandaraya? hindi namin nahawakan yan hindi namin nakita kaya paano natin masasaabi na may daya?” pahayag nito.
Dagdag pa niya, “Malinis naman ang election ang nagpaparumi ay yung ibang polititians na gumagawa ng mga political gimiks even though it is against the law at yung mga supporters nila na hindi nila macontrol.
Mayroon lang talagang mga politicians na they will do everything, manggugulo, mandadaya para lang manalo but not all politicians.”
Nagpaalala naman siya sa mga politiko lalo na sa mga bumibili ng boto na ang sinumang mapapatunayan na lumalabag sa mga batas ng eleksyon ay pwedeng mapatawan ng election offense under Omnibus Election Code, maaaring makulong ng 1-6 na taon at matanggalan ng right of suffrage o madisqualified. “one time lang yan hindi yung wawarningan ka muna, mahigpit po yung ating election code,” dagdag pa niya.
Mensahe niya naman sa mga boboto na maging matalino sa pagboto “Huwag maging BOBOTANTE at huwag ipapabenta ang boto. Aniya, “kapag binenta mo ang boto mo wala ka ng karapatan magreklamo sa gobyerno dahil nabili ka na.”
Discussion about this post