Sinabi ni Konsehal Elgin Damasco ng Puerto Princesa sa kanyang Facebook post na marami pa ring residente ng lungsod ang nagrereklamo sa kanya dahil sa pamimigay ng ayuda sa mga nasalanta ng Bagyong Odette noong Disyembre 2021.
“Nagbigay ng schedule ang CSWD na mamimigay na ng ayuda mula sa National Government sa Barangay Tagabinet kahapon. Bumaba ang mga katutubo mula sa bundok, ilang oras naglakad marating lang ang sentro ng Baranggay. Pagdating nila doon, inanunsiyo na cancelled ang schedule dahil may proseso pa daw na hindi natatapos,” ani Damasco.
Pinakiusapan naman daw ni Damasco ang City Social Welfare and Development (CSWD) na unahin ang mga nasa Tagabinet at Macarasas dahil sila na lamang umano ang barangay sa norte na hindi pa naabutan ng ayuda mula sa national fund ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa kaniyang post, nakikiusap si Damasco na huwag magbigay ang CSWD ng schedule sa mga tao kung hindi sigurado na pupunta sila at hindi naman handa.
“Pwedi namang mag-cancel, pero sana i-announce ninyo day before para may time pa ang baranggay officials na masabihan ang mga tao na huwag na muna bumaba dahil hindi matutuloy… Ganoon din ang nangyari sa Napsan kahapon, pinapunta ang mga tao sa baranggay hall, hindi rin natuloy. Walang abiso na hindi matutuloy,” giit ni Damasco.
Pabatid ni Damasco para sa mga nagrereklamo di umano sa kaniya ay wala siyang papel sa distribusyon ng nasabing ayuda.
Pondo na umano ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nagkakahalaga ng P81 million ang ibinaba sa Local Government Unit (LGU) ang ibinibigay sa mga apektado ng bagyong Odette.
Ngunit, ang pondong ito ay hindi na umano para sa lahat. Ang mga nauna nang nabigyan ng DSWD ay hindi na dapat mabigyang muli.
Samantala, ayon naman sa Joint Memorandum Circular na ibinaba ng DILG, DND at DSWD, LGU sa pamamagitan ng City Social Welfare and Development Office(CSWDO) ang mangangasiwa sa distribution ng ayuda.
“Ang CSWDO, nag-post ng mga pangalan ng mga mabibigyan ng DILG ayuda sa mga baranggay na tapos ng napuntahan ng DSWD, kaya umasa tuloy ang mga tao sa naturang mga baranggay na may matatanggap pa silang dagdag na ayuda mula sa pondo ng DILG,” ayon sa memorandum.
Ayon pa rin kay Damasco, marapat na pantay ang pagbibigay ng ayuda sa lahat ng pamilya, maliit o malaki man ang kita.
“May patakaran ang CSWD na kapag kumikita ang isang pamilya ng P20k per month katulad ng mga government employees, may tindahan, hindi bibigyan ng ayuda. Wala pong pinili ang bagyo, mahirap o mayaman, may sweldo o wala. Sana all nalang,” ani Damasco.
Inaasahan ng konsehal ang mariing pagtugon ng mga ahensiyang nabanggit sa kanyang kahilingan.
Discussion about this post