Hinikayat ang solo parents ng City Social Welfare Development Office (CSWDO) na mag-apply kaagad upang mabigyan ng taunang P5,000 ayuda dahil hanggang January 10 na lamang ang deadline nito.
Ayon kay City Social Welfare Development Officer Lydia del Rosario, nasa P10 milyon ang pondo ng beneficiaries na inilaan ng national government para sa lungsod ng Puerto Princesa City.
“Mayroong almost 3,000 na nag-apply ngunit ang lahat ng ito ay sumailalim sa validation. Bale 649 palang ‘yong nabigyan na nasa 3.2 milyon pesos,” pahayag ni CSWDO Del Rosario.
“Hindi natin agad na-release gawa ng nagkaroon ng bagyo at sarado ang Landbank kaya sa mga beneficiaries ay hanggang January 10 nalang ang deadline kasi isasara na natin ‘yong pondo para sa 2021, at muling magkakaroon ng pondo para sa 2022,” dagdag pa nito.
Maari din umanong mag-apply bilang solo parent kahit na ito ay may kakayahan sa buhay, nagtatrabaho man sa pribado o gobyerno na institusyon, o ayon sa kanilang economic status. Maari pa ring makatanggap ng benipisyo ang mga ito basta nasa kanilang pangangalaga ang kanilang anak na menor de edad o PWD.
Itong programa ay batay sa Republic Act 8972 o Solo Parents’ Welfare Act of 2000.
Discussion about this post