Arestado sa Lungsod ng Puerto Princesa kahapon ng hapon ang isang wanted person na dating miyembro ng PNP.
Kinilala ang naarestong indibidwal na si Judelio “Torse” Torce, 38 taong gulang, may asawa, residente ng Fernandez Street, Brgy. Tanglaw at itinututing na High Value Individual (HVI) sa ilalim ng COPLAN “ESCALOP” ng pulisya.
Sa spot report na ibinahagi ng Regional Police Office-MIMAROPA, nakasaad na dakong 6:00 pm kahapon, June 29, nang dakpin si Torce sa Brgy. Tanglaw ng joint personnel ng City Intelligence Unit (CIU), City Police Drug Enforcement Unit (CPDEU), at ng Police Station 2 at Police Station 1 ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO).
Ito ay sa bisa ng ibinabang warrant of Arrest ni RTC Branch 49 Judge Paz Soledad B. Rodriguez-Cayetano na may petsang October 23, 2019 dahil sa iligal na pagbebenta at distribusyon ng ipinagbabawal na gamot na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Sec. 5, Art. II ng RA 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.”
Wala namang inirekomendang piyansa ang hukuman para sa pansamantalang kalayaan ng suspek na sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng Police Station 1 ng PPCPO.
Discussion about this post