Ayon sa nakuhang blotter report ng Palawan Daily ngayong araw ng Martes, Agosto 31, sa isang opisyales ng Barangay Inagawan Sub, kinilala na ang driver ng pulang Ford eco-sport na si CG PO1 Victor Omapas Baclagon, Deputy Station Commander ng Philippine Coast Guard Brookes Point.
Sakay ng kanyang sasakyan ay papunta sanang Sur ang hepe, samantalang galing naman ng bayan ng Aborlan ang pamilya Mones at patungo sana sa lungsod ng Puerto Princesa. Posible umanong nagkabulagaan ang dalawa kung kaya’t nagkabanggaan ang mga ito at nagdala ng pagkasawi ng pamilya na kinilalang sina Jefrey Mones, 32 anyos, ang maybahay nito na si Liezel Canja, ang anak nilang si Mutya Mones at isa pang di napapangalanang anak ng mga ito.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad kahapon, naiulat lamang na ang mag-amang sina Jefrey at Mutya ang nasawi subalit nang suyurin muli ng mga awtoridad ang pinangyarihan ng aksidente ngayong umaga ay natagpuan rin ng mga ito ang bangkay ng mag-ina.
Ayon sa kanila, posibleng sa lakas ng banggaan ay tumilapon ang mag-ina sa bangin na ilang metro ang layo sa pinangyarihan ng aksidente. Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang Palawan Daily sa mga awtoridad subalit sa mga oras na ito ay wala pa ring nilalabas na spot report sa media.
Discussion about this post