Inihayag ni DTI Provincial Director Hazel Salvador ang kanilang pagbisita sa mga nagtitinda ng bigas bilang bahagi ng monitoring at profiling na kanilang ginagawa. Diniin niya na walang dapat ipangamba ang mga nagtitinda dahil sinusuri pa lamang nila ang mga sumusunod na aspeto:
-Presyo ng kanilang bigas
-Dami ng kanilang stock
-Posibleng oras ng pagkaubos ng stock
Ang pahayag na ito ay ibinahagi ni Director Salvador sa isang Committee meeting ng Committee on Food, Agriculture and Fisheries ng Sangguniang Panlungsod.
“Ang order po sa amin sa taas, regional [level] sa ngayon Monitoring and Profiling pa po kami. Hindi pa kami nanghuhuli. Wala pa pong ganun. Nirereport lang namin at nirerecord namin at prinoprofile namin kung magkano bili nila, kung ano po yung presyo na nilagay nila hindi naman agad ay magbaba dahil ang kuha nila ay mahal,” saad ni Salvador.
Ang pagbisita ng DTI ay may kaugnayan sa mga pangamba ng mga nagtitinda ng bigas na maaaring maharap sa mga kaso dahil sa Executive Order 39 na nagtakda ng presyong P41.00 kada kilo ng Regular Milled Rice at P45.00 kada kilo ng Well-Milled Rice noong Martes Setyembre 5.
Sa kabila nito, ang mga nagtitinda ay nagpahayag ng kanilang pagsunod sa mga itinakdang presyo, lalo na kung mayroong mga supplier na nag-aalok ng mas murang bigas.
Nakiusap din ang grupo ng mga manininda sa Lungsod ng Puerto Princesa sa Department of Trade and Industry (DTI-Palawan) na bigyan sila ng ilang araw na palugit para sa pagbaba ng presyo ng bigas sa merkado.
Sa committee meeting ng Committee on Food, Agriculture and Fisheries ng Sangguniang Panlungsod, ibinahagi ni Irene Lobaton ng Mga Manininda ng Puerto Princesa Incorporated (MMPPI) ang kanilang pangamba na maaring kasuhan sila, partikular na sa pagpapatupad ng Executive Order 39. Ipinahayag nila ang kanilang sitwasyon, kung saan marami pa silang mga stock ng bigas na kanilang binili mula sa mga supplier sa mataas na presyo.
Kaya’t hinihiling nila na bigyan sila ng leeway hanggang sa araw ng Lunes, Setyembre 11, para mapanatili ang presyo ng bigas na kanilang ibinebenta.
Discussion about this post