Iminungkahi ni Puerto Princesa City Councilor Luis Marcaida lll na gawing pasyalan ang sandbar at floating cottages ng Canigaran sa Barangay Bancao-Bancao sa ginanap na regular session ng Sangguniang Panlungsod araw ng Lunes, Enero 30.
Ayon kay Marcaida, ang lugar ay maaring tangkilikin ng mga turista at lokal na mamamayan bilang isang malapit na pasyalan, bagay na tinutulan naman ng Civial Aviation Authority of the Philippines (CAAP) dahil napakalapit umano ng distansya nito mula sa paliparan ng lungsod.
“Alam naman natin ang main industry ng Puerto Princesa ay tursmo, ang kagandahan dito, kapag ito ay natulongan, malapit ito sa bayan. Hindi na mahihirapan ‘yung mga turista natin dahil meron na silang alternative (pasyalan) imbis na lumayo pa at pumunta sa ibang lugar outside of Puerto Princesa. At least, ito ay malapit at tunay rin talaga na napakaganda kung makakapasyal kayo. Subukan niyo mag floating cottage dun lalo na kung banayad ang dagat mag e-enjoy kayo dahil para kang nasa Onuk Island pag naroon kana sa sandbar,” ani Marcaida.
Dagdag niya, nararapat lang na tulingan ng konsehong panlungsod na ipaglaban kung kinakailangan ang kahilingan ng mga mamamayan sa Canigaran upang mabigyan ito ng permit na maging opisyal na pasyalan sa siyudad.
Giit ni Marcaida, bagaman nasa mga concerned agencies ang desisyon, malugod naman niyang irerespeto ang magiging desisyon ng karamihan.
Samantala, nauna nang nagpaabot ng sulat ang opisina ng CAAP na kanila itong tinututulan upang masiguro ang seguridad ng mga tao sa taas at sa baba partikular na ito ay dinadaanan ng mga eroplano. Ang lugar umano ay pagmamay-ari ng nabanggit na ahensya.
Umaasa naman si Marcaida na makakadalo sa susunod na committee hearing ang mga kawani ng CAAP upang mapag-usapan ng maayos ang kanyang iminumungkahi.
Nilinaw rin ni Marcaida na walang magbabago sa lugar at nais lang ng mga tao o residente roon na maging maayos ang daanan lalo na at ito ay mga bato.
” Walang sinabing building na itatayo, ang request lang nila ‘yung platform kumbaga ‘yung lalakaran ng turista galing doon sa may likod ng bakod hanggang doon sa may pinaka-dagat kung saan nandoob ang mga bangka. ‘Yun lang po kasi parang mga bato na pinag-patong patong at maninimbang ka pag naglakad ka,”ani Marcaida.
Sinusuportahan naman ni Konsehal Elgin Damasco ang mungkahi ni Marcaida at nais rin umano niyang matulungan ang mga may ari ng floating cottages upang mabigyan ng permit lalo bilang karagdagang hanap buhay ng mga bangkero sa lugar.
“Napakagandang i-develop ang Canigaran Sandbar dahil napakalapit lang sa siyudad. Hindi na kailangan pumunta sa malalayo, sa mga isla, para makakita ng magagandang white sand beach o sandbar sa lungsod ng Puerto Princesa. Bakit hindi natin i-develop at suportahan ang mga tao na naghahanap buhay dyan?” ani Damasco.
Samantala, upang mabigyan ng permit ang mga may-ari ng floating cottages ay kailangan munang pumayag ang CAAP.
“Kung kinakailangan natin lumuhod sa CAAP gawin natin para lang matulungan ang ating mga kababayan diyan. Sana mapagbigyan at kung meron ng measures na puwdeng gawin para ‘yung problema naman sa security ay mabigyan ng solusyon,” ani Damasco.
Discussion about this post