Nanawagan si Dr. Mario Baquilod, ang OIC Regional Director ng CHD MIMAROPA sa lahat na huwag i-discriminate at pandirihan ang mga healthcare workers na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 o COVID-19 gayundin ang pamilya ng mga ito.
Ayon kay Baquilod, hindi gusto ng mga medical frontliners na tamaan ng nakamamatay na virus at mas pinili nilang maglingkod sa bayan sa kabila ng panganib kaya sa halip anyang katakutan ay mas mainam na ipakita sa mga ito ang suporta.
Kung tutuosin, dapat pa nga anyang ituring na bayani ang healthcare workers dahil sa sakripisyong kanilang ipinapamalas sa ngalan ng kaligtasan at kapakanan ng mas nakararami.
“Our healthcare workers, being in the front line in our battle against this virus, are in dire of our support so let us continue to pray for their immediate recovery. These COVID-19 Heroes don’t deserve any form of discrimination, if not for their dedication and sacrifice, we will never succeed in fighting this pandemic,” bahagi ng mensahe ni Baquilod sa inilabas na statement ng CHD MIMAROPA.
Ang pahayag ng regional health official ay kasunod ng kumpirmasyong tatlong medical staff ng Ospital ng Palawan ang nagpositibo sa COVID-19 na ngayon ay kasalukuyang naka-quarantine at ginagamot sa Temporary Treatment Monitoring Facility sa lungsod.
Tiniyak din ng CHD MIMAROPA at ONP na sinusunod ng lahat ng medical staff ang “infection prevention and control protocols” at may sapat silang Personal Protective Equipment (PPE) habang ginagamot at inaasikaso ang kanilang mga pasyente.
Samantala, patuloy din ang CHD MIMAROPA sa validation ng mga Locally Stranded Individuals at Returning Overseas Filipino na nagpo-positibo sa COVID-19.
Discussion about this post