Iginiit ni Puerto Princesa City Information Officer Richard Ligad na hindi lamang para sa pag-iingat sa sarili ang pagsuot ng full-face shield kundi proteksyon din ng ibang tao na makakasalamuha lalo na sa mga pampublikong lugar laban sa COVID-19.
“Kailangan nating sundin, dahil ito ang nakikita ng IATF natin na isang solusyon na kung sakaling mayroon mang pakalat-kalat na COVID virus na iyong nakakasalamuha, eh mas protektado kayo kapag naka face mask and naka suot kayo ng full-face shield,” pahayag ni Ligad.
Dagdag pa ni Ligad, maging ang mga eksperto ay naniniwala na malaking tulong ang pagsuot ng face mask at face shield para sa proteksyon laban sa virus.
“Hindi lang naman ‘yan dito sa lungsod ng Puerto Princesa. Ang mga doktor nagsasabi na kailangan talaga ‘yan, nagkataon lang na ang gobyerno ang kumikilos para sa ikagaganda ng kalusugan ng kanyang mamamayan. Mabigat man sa atin o hindi pero kailangan nating sumunod,” saad pa ni Ligad.
Payo nito sa ilan na hindi kayang sumunod sa pinaiiral na health protocol sa lungsod ay mas maiging manatili na lamang sa kanilang bahay kaysa masakripisyo ang kalusugan ng iba.
“Hindi lamang yan proteksyon sa sarili mo, proteksyon din yan para sa iyong makakasalamuha, para sa iyong makakasama sa publiko. Ngayon, kung ayaw mo, may problema ka, eh doon ka sa loob ng iyong pamamahay […] wag ka makihalubilo sa ibang tao. Kung ayaw mo irespeto ang kapakanan [at] kalusugan ng ibang tao, manatili ka na lang sa inyong bahay,” dagdag pahayag ni Ligad.
Matatandaan noong nakaraang Huwebes, ika-23 ng Oktubre, 2020, ay naglabas ng Executive Order No. 2020-50 kaugnay sa mandatory na pagsuot ng full-face shield sa mga pampublikong lugar kabilang na sa mga government offices, supermarket, mga palengke, malls, mga pagtitipon o mga serbisyo na ibinibigay ng gobyerno at maging sa mga pampublikong sasakyan.
Discussion about this post