Hihilingin ng Committee on Transportation ng Puerto Princesa City Council na payagan ang mga tricycle na magsakay ng hanggang sa tatlong pasahero sa halip na isa lamang ngayong na sa Modified Enhance Community Quarantine (MECQ) ang lungsod.
Sa napagkasunduan kahapon sa Sangguniang Panlungsod, padadalhan ng sulat ang Tanggapan ni Mayor Lucilo Bayron, ang City Traffic Management Office (CTMO), COVID-19 Marshalls at ang Puerto Princesa City Police Office (PPCPO).
Sa report ni Committee on Transportation Chairman, Konsehal Peter “Jimbo” Maristela sa City Council kahapon, ipinaliwanag umano ng mga kinatawan CTMO, COVID-19 Marshalls at PPCPO na wala pa silang naiisyuhan ng violation ticket na mga tricycle driver na nagsakay ng higit sa isang pasahero.
Ang ginagawa lamang umano nila ay pagpapaalaala sa kanila na istriktong sundin ang minimum public health standards.
Nakalagay sa ipadadalang liham sa mga nabanggit na tanggapan na mapayagan ang mga tricycle driver na magsakay ng hanggang tatlong pasahero basta ang mga ito ay may suot na face mask, may suot na face shield at ang tricycle ay dapat may plastic barrier.
Sa kasalukuyan, wala pang ordinansa na napagtitibay ang City Council sa pagtatakda ng special rate ng tricycle fare kung ang lungsod ay maisailalim sa MECQ kaya umiiral pa rin ang P10 minimum fare. Kaugnay nito, magpapadala rin ang Konseho ng hiwalay na liham sa Alkalde upang hilingin na pansamantalang isuspinde ang City Ordinance No. 1043 at payagan ang mga traysikel na bumiyahe sa national highway.
Matatandaang P10 pa rin ang minimum tricycle fare sa Puerto Princesa City dahil hindi pa tapos na nailalathala ang fare increase, at umiiral naman ang City Ordinance No. 1111 na pwedeng magsakay ng hanggang tatlong pasahero ang isang pampasadang may traysikel basta’t may plastic barriers lamang at may suot na face mask at face shield ang lahat ng sakay.
Discussion about this post