Bilang bahagi ng aktibidad ng Coast Guard District Palawan (CGDP) kada tatlong buwan, humigit kumulang 1000 mangrove seedlings ang naitanim kahapon sa bahagi ng Bucana-Matahimik sa Brgy. Iwahig na relocation site ng karamihan ay mga residente ng Brgy. Matahimik.
“Supposedly, dapat noong second quarter pa po ‘yon kaso dahil sa pandemic natin, na-delay. Every quarter po kasi mayroong schedule na mangrove planting ang District,” ayon kay CGDP-Puerto Princesa City Station Severino Destura sa pamamagitan ng phone interview.
Aniya, kada proyekto ay naghahanap sila ng akmang lugar na pagtatamnan ng mga bakawan. Ang nakaraang aktibidad umano ay isinagawa sa Brgy. Bancao-bancao habang sa mga kasunod ay kanila pang aalamin.
Pakiusap na lamang ni Commander Destura sa mga mamamayan na ingatan ang mga naitanim na bakawan dahil nakapahalaga ng papel nitong ginagampanan upang hindi maubos ang mga organismong nagsisilbing pagkain ng mga isda at ng iba pang buhay sa karagatan na kailangan ng tao sa kadahilanang magkakaugnay-ugnay ang lahat.
“Sana po ‘yong public natin, iwasan [nila] ang pagputol ng mga mangrove trees po natin,” panawagan pa niya sa publiko.
Sa kabilang dako, sa pamamagitan ng social media post, nagpaabot ng pasasalamat si Kapt. Ryan Abueme ng Brgy. Matahimik sa mga nakilahok sa mangrove planting activity na inisyatibo ng CGDP, sa pakikipagtulungan ng Barangay Council ng Matahimik.
Ilan naman sa mga dumalo ay mismong si CGDP Commander Allan Corpuz at ang iba pang personnel ng tanggapan, mga opisyales ng Brgy. Matahimik, mga opisyales ng Brgy. Iwahig, City Government, Third District Rep. Gil Acosta Jr., former City Mayor Ed Hagedorn, Puerto Princesa City Police Office (PPCPO), Bureau of Correction-IPPF, Yamang Bukid, Rotaract, Mason, BNS at BHW, Community Environment and Natural Resources Office (CENRO), ilang mga kagawad ng lungsod, mga guro ng Bucana-Matahimik, 4P’s members, mga purok officials, at ilang mga residente. Sa kabuuan ay nasa 500 katao umano ang mga nakiisa sa pagtatanim.
“We are targeting na magawa ito quarterly,” ayon kay Kapt. Abueme sa pamamagitan ng chat message.
“Hopefully [magawa ito] do’n na site na na-damage; sa controversial [na lugar sa] sa Sitio Bucana, Brgy. Iwahig,” ani Abuema na ang tinutukoy ay ang nakalbong bakawan matapos na pagpuputulin at okupahan ng ilang illegal settlers kabilang na ang area ni relieved PPCPO Director Marion Balonglong.
Discussion about this post