Mainit na tinalakay kahapon sa session ng Sangguniang Panlungsod ng Puerto Princesa ang pagtanggap umano ni Kapitan Gerry Abad ng Brgy. Mandaragat ng pera mula sa private contractor ng lungsod na GSMAXX Construction.
Sa panayam ngayong umaga ng programmang NEWSROOM sa Palawan Daily News, kinumpirma ni Konsehal Jimbo Maristela na hindi lang si Kapitan Gerry abad ang nakatanggap ng pera noong December 27, 2020. Ilan pa umanong kapitan ng barangay sa Puerto Princesa ang tumanggap ng pera mula sa kumpanyang GSMAXX Construction.
“Hindi ko lang sinabi kahapon ito ay after mag post nito ni Kapitan Abad eh mga ilang araw lang nagsunuran pa yung ibang mga kapitan. Hindi lang available kahapon yung aking mga pictures sa kanilang mga post, meron din tayo nun mga ilang kopya ng mga kapitan pa na kasama din yung presidente ng GSMAXX na meron din silang hawak-hawak na pera na umaabot siguro ng mga P5,000 na ipinakita rin sa kanilang Facebook account.”
Giit pa ni Konsehal Maristela, hindi magandang gawain ito para sa isang halal na opisyal. At inilantad umano niya ito kahapon para matigil ang ganitong kalakaran.
“Hindi magandang practice ito sa lungsod ng Puerto Princesa. Ginawa po natin ito para mapigilan yung ganitong practice at para ma-remind din yung ating mga public officials, na bilang public officials ay kinakailangang umakto tayo ng maayos at nire-represent natin hindi lamang yung mga sarili natin kundi yung barangay o siyudad o ano mang government agency na tayo po ang head.”
Matatandaan na isinapubliko ni Konsehal Jimbo Maristela kahapon sa ginanap na session ang larawan ni Kapitan Gerry Abad kasama ang presidente ng GSMAXX Construction. Sa larawan ay makikitang inabutan ang kapitan ng pera ng presidente ng kumpanyang GSMAXX.
Naungkat ang usapin dahil sa mabagal na performance ng nabanggit na kompanya. Ang kumpanya kasi ang nakakuha ng pinakamalaking kontrata sa lungsod na nagkakahalaga ng 1 bilyong piso (P1B).
Discussion about this post