Tiniyak ng Coast Guard District Palawan (CGDP) na agad na pasisimulan ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa oras na matapos ng 10 Chinese nationals ang mandatory 14-day quarantine ukol sa ilegal nilang pagpasok sa bansa at iba pang posibleng nalabag na mga batas.
“After quarantine, doon na ‘yan, magkakaroon na ng formal investigation but of course, ang mga operative natin, definitely, they’re doing their jobs [na] para at least makakuha [na sila] ng initial information,” ani Commodore Allan Corpuz, district commander ng CGDP, sa pamamagitan ng phone interview.
Matatandaang sakay ng isang yate ay nakarating sa Brgy. Concepcion ang nasabing mga Tsino na mula umano sa Shēnzhèn City, Guǎngdōng province sa bansang China, pasado 11 pm noong Hulyo 20 at namataan ng sumunod na araw. Agad naman silang dinala sa Honda Bay at nananatili sa kanilang sasakyan hanggang sa kasalukuyan habang sumasailalim sa quarantine na nagsimula noong July 21 at magtatapos sa Agosto 3.
Ayon pa kay Comm. Corpuz, kamakalawa ay nagpulong na ang Provincial Committee on Illegal Entrants (PCIE) na pinamumunuan ng commander ng Western Command (Wescom) at ang inisyal na napag-usapan ay dapat masailalim muna ang nasabing indibidwal sa quarantine, kung sinu-sino ang dapat na magsagawa ng imbestigasyon at kung ano ang mga posibleng kasong isasampa.
Dagdag pa ng pinuno ng PGC-Palawan, ang pinakapangunahing maisasampa laban sa mga Tsino ay illegal entry at ang paglabag sa health protocol na posible pa umanong ikadawit ng mga contact nilang mga indibidwal.
Napag-alaman pang sa 10 Chinese ay apat lamang sa kanila ang may passport at tanging ang may-ari lamang ng yate na si Dengkang Zhan ang may visa, ang special resident retirees visa. Ngunit nilinaw ng Coast Guard na nang pumasok ang nasabing mga Chinese ay wala pang dayuhang pinapayagang makapasok sa bansa dahil sa Agosto 1 pa ito magsisimula.
Ayon pa sa CGDP, ngayong araw din ang tentative schedule sa pagsasailalim sa rapid test ng nabanggit na mga indibidwal.
Samantala, mensahe naman ni Comm. Corpuz sa lahat ng mga Palawenyo, lalong-lalo na ang mga naninirahan sa mga coastal area na tularan ang maagap na aksyon ng mga opsiyales ng Brgy. Concepcion na dahil umano sa kanilang mabilis na pagtawag at pagre-report ukol sa presensiya ng di kilalang mga foreign vessel ay naaksyunan agad ng mga awtoridad lalo pa umano ngayong nagpapatuloy pa ang paglaban sa COVID-19.
“Kasi kung ito ay nangyari na walang nag-report, [halimbawa] nagbaba na sila ng mga epektus, mga kargamento—mga droga, gambling o human trafficking, kasi may mga sasakyang involve eh [mas mahirap]. Kaya hinihiling ko sa ating mga kababayang Palawenyos… na isuplong ang presence ng unidentified ship sa lugar nila o anumang sasakyang pandagat nang pa-prevent natin ang pananamantala dito sa kapuluan natin dito sa Palawan,” ayon pa kay Corpuz.
Discussion about this post