Matapos magkaroon ng orientation ang mga barangay health workers ng Puerto Princesa noong Biyernes, Pebrero 5, 2021, ibinahagi ni Dr. Ricardo Panganibang, Puerto Princesa City COVID-19 Vaccination Council (PPC-COVAC) Chairman, na magsisimula na ngayong buwan ang Information, Education and Communication (IEC) ukol sa pagbabakuna kontra COVID-19.
“Ang information dissemination sa ating barangay ay mag-start ngayong buwan ng February, mga middle siguro. Dire-diretso yan mga ilang buwan po gagawin yan.”
Dagdag pa nito na mayroon nang magagamit na materials para sa ‘lecture’ na gagawin upang masiguro na maiintindihan ng mga mamamayan ang kahalagahan ng pagpapabakuna.
“Mayroon nang mga ginagawa ngayon, mayroon nang video [at] mayroon nang mga pictures yan sila. Ang nakikita ko lang is pagandahin [at] ipino pa masyado. Pero yung mga nakita kong mga puwedeng pang lecture ay pupuwede na. Doon naman tayo sa experience natin. Ire-refine pa yung ating mga IEC materials. At yung iba nating IEC materials for printing pa pero definitely ngayong buwan mag-start na kaagad yan yung IEC.”
Ayon kay Erica Balesteros ng Barangay Tiniguiban, pupunta ito sa gagawing information dissemination ng barangay upang lumawak ang kaalaman ukol sa COVID-19 vaccines.
“Oo, a-attend ako kasi para alam ko naman yung mga information kasi mahirap naman na may vaccine tapos wala kang idea kung ano yung gagawin [at] kung ano yung klaseng vaccine na yun.”
Sa kasalukuyan ay inaayos pa ang magiging takbo ng pagtuturo o pagkalat ng tamang impormasyon ukol dito upang masiguro na maiintindihan ito ng mga mamamayan. At ito ay patuloy na gagawin kahit dumating na ang inaasam na mga bakuna.
“And then hahasain mo ng husto. [Kung] sino-sino sa kanila ang na-orient eh yun talaga ang magiging messenger mo talaga. Kailangan kasi yung maiintindihan nung tao [at] makita niya yung importansya nito. This month of February [magsisimula na ang information dissemination at] dire-diretso yan hanggang sa dumating yung mga bakuna na yan at saka during na nagbabakuna meron pa rin tayong information dissemination diyan.”
Discussion about this post