Matagumpay na naisagawa ang Ironman 70.3 Puerto Princesa – Asia Tri-Club Championship kahapon, ika-12 ng Nobyembre, sa Lungsod ng Puerto Princesa para sa ikalawang pagkakataon na nilahokan ng 39 na bansa at umabot sa 532 ang tri-athletes.
Ipinamalas ng bawat kalahok ang kani kanilang liksi, diskarte, at lakas upang makamit ang panalo sa isa malaking internasyonal na kompetisyon sa larangan ng laro. Kabilang dito ang pagtapos sa 1.9 na kilometro sa paglalangoy sa Puerto Princesa Baywalk at magbibisikleta ng higit 90 na kilometro patungong sur ng lungsod. Tinakbo rin ng mga kalahok ang 21.1 kilometro na may kabuong layo na 113 kilometro o katumbas ng 70.3 milya.
Sa matinding labanan at husay na ipinakita ng mga kasali ay itinanghal na panalo sa huli si Satar Salim ng Pilipinas at kabilang sa team ng SND Barracuda na tinapos ang kompetisyon sa loob ng apat na oras at dalawampu’t dalawang minuto.
Hindi rin nagpahuli si Leyann Ramo na tinapos ang track course sa loob ng limang oras at dalawang minuto. Nakuha rin ng Team SND Barracuda ang kampeonato sa team category.
Sa pabilisan naman nang paglangoy ay nakuha ni Sky Gaco ang kampeonato na tinapos ang kompetisyon sa oras na dalawampu’t anim na minuto at dalawampu’t walong segundo. Sa larangan naman nang pabilisan ng pagbibisekleta ay nakuha ni Mark Ryan Lago ang panalo na tinapos sa loob ng dalawang oras, sampung minuto. Nakuha rin ni Rogen Aguirre ang kampeonato sa pabilisan nang pagtakbo na inabot ng isang oras at kinse na minuto.
Sa huli, nakuha ng Team SND Barracuda ang papremyong kalahating milyong piso (P500,000) para sa IRONMAN Tri Club points + PP Bonus point.
Discussion about this post