Tahasang sinagot ni City Information Officer Richard Ligad ang mga ispekulasyon na hindi totoo o gawa-gawa lamang ang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa lungsod ng Puerto Princesa.
Aniya, sa mga nagsasabi na imbento lang ang mga nagpositibo sa virus kailangan na mag-research bago magsalita lalo na sa social media dahil baka sa huli mapahiya lamang.
“Siguro nagresearch silang maigi kasi bandang huli ayaw ko naman sila ma-bash. Panay lang ang bunganga nila pero baka di nila alam yung mga nakatahimik lang nag-iisip, tanga-tanga naman nito baka lang,” ani Ligad.
Malabo umano gawin na manipulahin ang resulta gaya ng paratang ng ilan dahil parang sinabi na nakipagsabwatan sila sa City Health at maging sa DOH pero wala namang mapapala dahil wala namang ayuda na ibibigay sa lugar na may maraming naitatalang kaso ng COVID-19.
“Kasi kung iisipin mo gawa-gawa, ibig sabihin kinutyaba pa yung City health. Kinutyaba pa ang DOH. Minanipula mo pa ang Department of Health. Tapos ano rin matatanggap nating ayuda- padamihan ng may COVID padamihan ba ng ayuda,” pahayag ni Ligad.
Nilinaw din ni Ligad, na walang mapapala ang City Government dito bagkus ay mas magiging malala pa ang problema ng lungsod dahil mas lalong mahihirapan ang mamamayan.
“Para tayong kumuha ng bato na ipopukpok sa ulo natin, kasi hindi natin pahihirapan yung mamamayan, bakit naman natin pahihirapan, ang mas gusto nga natin dito mag balik tayo sa normal o new normal,” karagdagang pahayag ni Ligad.
Discussion about this post