Ipinamalas ng mga manlalaro mula sa labing isang bansa ang kanilang kahusayan sa paglalaro ng pingpong sa tatlong araw pa lang na labanan sa World Table Tennis-Youth Contender 2023 na ginanap sa Puerto Princesa City Coliseum simula Oktubre 15.
Kabilang ang bansang Japan sa nakilahok sa patimpalak at ipinakita ang liksi at husay sa tatlong araw na labanan at nasungkit ang kampeonato.
Nakuha ni Tsubasa Okamato ng Japan ang kampeonato sa kategoryang “Under 17 Boys Singles” at “Under 19 Boys Singles” na sinundan naman ni Ray Joshua Lawrence Manlapaz ng Pilipinas bilang finalist sa parehong kategorya rin.
Nasungkit rin ni Shibata Ko ng Japan ang kampeonato sa kategoryang “Under 13 Boys Singles” habang si Ng Hong Siu Aron ng Singapore ang itinanghal na kampeon sa kategoryang “Under 15 Boys Singles.”
Ayon naman sa magigiting na manlalaro mula sa ibang bansa ay naging mainit umano ang pagtanggap sa kanila sa airport pa lamang. Bagamat naging limitado ang kanilang oras sa paglilibot sa siyudad ay tiniyak nila na muli umano silang babalik sa lungsod.
Samantala, mapapanuod pa rin ng libre ang nasabing labanan sa City Coliseum na magtatapos sa Sabado, Oktubre 21.
Discussion about this post