Kinilala at pinarangalan ngayong araw, June 27, ang frontliners sa lungsod ng Puerto Princesa na tinatawag na “COVID Warriors”.
Ito ay sa pamamagitan ng simpleng seremonya kung saan iginawad ang mga parangal sa mga indibidwal na hindi alintana ang panganib na dulot ng coronavirus disease 2019 o COVID-19 para hadlangan ang pagsisilbi sa bayan.
Ayon kay City Information Officer Richard Ligad, ang “COVID Warriors” ng lungsod ay tumanggap ng plake na pirmado ni Mayor Lucilo Bayron at “special pin” bilang simbolo ng kanilang kabayanihan at pagpapakita ng pagmamalasakit at pagmamahal sa bayan sa kabila ng panganib kasunod ng ika-100 araw ng pakikipaglaban ng lungsod sa COVID-19.
“Lahat ng frontliners natin ay nakatanggap nun and actually, kanina ay mayroong awarding and pasalamat naman tayo kahit papaano at bilang pagsaludo natin ito sa mga kasama nating frontliners,” ani CIO Ligad sa panayam ng Palawan Daily News.
Matatandaan na sa online update ni Mayor Lucilo Bayron kanina sa pamamagitan ng Facebook page ng City Mayor’s Office ay una na nitong pinasalamatan ang tinaguriang “COVID Warriors” ng lungsod.
Sinabi nga ng alkalde na hindi matatawaran ang kabayanihang ipinamalas ng mga ito mula nang magsimula ang laban ng Puerto Princesa sa COVID-19 ay hindi na tumigil ang frontliners sa pagsisilbi sa bayan sa kabila ng panganib sa kanilang mga sarili.
“Sa inyong lahat mga COVID Warriors, maraming-maraming salamat. You all willingly took the risk in facing something that has had no precedent… We salute you, COVID Warriors of Puerto Princesa,” bahagi ng mensahe at papuri ni Mayor Bayron sa COVID Warriors ng lungsod.
Discussion about this post