PUERTO PRINCESA CITY – Kinumpirma ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo Bayron na sisimulan na ang planong pagtatayo ng viaduct sa lungsod bago magtapos ang taon.
Sa kaniyang talumpati kamakailan sa selebrasyon ng Pista y ang Cagueban, inanunsiyo ni Bayron ang pagpapaapruba ng hired consultant ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ng road alignment sa kaniyang opisina.
“Pumunta sa aking opisina ang hired consultant ng DPWH at pinapa-aprubahan ang road alignment ng pinapangarap nating skyway, pero itinama nila ako dahil di raw yon skyway kundi viaduct,” pahayag ni Bayron.
Ani Bayron, sa darating na Nobyembre ngayon taon ay inaasahan na ang inagurasyon sa proyekto.
Base sa paliwanag ng consultant ng DPWH, walong buwan ang gugugulin para ihanda ang road alignment at ang gagawing pagtagama rito. Tatlong buwan naman ang detailed engineering bilang bahagi ng proseso.
“Tinitiyak kong maipagmamalaki natin ito sa Puerto Princesa, dahil hindi lamg sa Metro Manila may viaduct kundi maging dito sa atin sa Puerto Princesa, magkakaroon na ng viaduct,” pahayag pa ng opisyal.
Ang viaduct ay isang klase ng tulay na mayroong suspensiyon hanggang sa matawid ang isang talampas, o maging ang mga dry o wetland.
Sa naunang panukala ng pamahalaang lungsod, lalagyan ng skyway magmula Barangay Mandaragat patungong Sicsican na ang dadaanan ay ang bahaging baybayin ng lungsod.
Isa ito sa mga nakikitang solusyon ng LGU para maiwasan ang tumitindi nang bigat ng daloy ng trapiko sa siyudad.
Sa naging pakikipag-usap noon ng city government sa DPWH, nangako ang kalihim ng kagawaran na mapaglalaanan ng pondo ang planong proyekto na nagkakahalaga ng mahigit PhP3B na kukunin sa ‘Build, Build, Build’ program ng pamahalaan. (EM/PDN)
Discussion about this post