Dismaydo si City Councilor Elgin Robert Damasco sa kapalpakan ng kontraktor na gumagawa ng bagong public market sa Barangay Mandaragat, Puerto Princesa City.
Sa kaniyang privilege speech sa regular na sesyon ng City Council noong October 14, 2019, sinabi ni Damasco na nais niyang ibahagi sa konseho ang kaniyang nadiskubreng kapalpakan ng isang kontraktor sa isa sa pinakamalaking proyekto ng City goverment partikular na ang panibagong public market sa Old Buncag, Barangay Mandaragat, Puerto Princesa na pinondohan ng P190,820,789.
Sinabi pa ni Damasco na ayon sa program of works ang proyekto ay dapat matapos sa December 2019 at ang kontrator ay Square Meter Trading and Construction.
Batay naman umano sa tarpaulin ng kontraktor, nakalagay dito na ang date started ay December 2018 at ang duration ay 360 calendar days.
Kinumpirma niya rin na noong July 2, 2019 o makalipas ang walong buwan na maumpisahan ang proyekto ay pinuntahan niya ang construction site at may nakita siyang mga construction worker maging mga posteng hindi pa natatapos gawin.
Kinausap niya rin umano ang architect at manager ng contractor at ipinagyabang umano nito na sa January 2020 ay matatapos na ang first phase ng palengke.
“Maliwanag ang kaniyang kayabangan kaya daw nilang tapusin ang phase 1, 190 milyon January 2020,” dagdag pa ni Damasco.
Giit pa niya na kung bibilangin ang 365 days sakaling nagsimula ang paggawa sa proyekto ng December 2,2018 ay matatapos ito ng December 5,2019 subalit humingi umano ang kontrakator ng extension na hanggang January 2020 at pinagbigyan.
Samantala kinumpirma rin ni Damasco na muli niyang binalikan noong October 11,2019 ang construction site at kaniyang natuklasan na walang naging pagbabago sa itinatayong gusali dahil kung ano raw ang kaniyang nakita noong July 2,2019 ay ganon pa rin ito.
“Wala pang natatapos kahit isang poste,kinakalawang na nga yan, wala tayong nakikitang kahit isang tao na nagtatrabaho, tila inabandona ng kontraktor” giit niya.
Maliwanag umanong binalasubas ng contractor ang proyekto kaya ang kaniyang tanong bakit nanalo sa bidding ang construction company lalo na’t hindi ito taga Lungsod at dapat raw na tinitingnan rin ng bids and awards committee ang capacity to build ng contractor.
“Napag-alaman ko na humihingi na naman ng extension ang kontraktor na ito, dapat hindi na po payagan, at dapat kanselahin na ang kontrata at i-black list na ang kontraktor na ito at huwag nang payagan na makasali sa bidding sa lahat ng infrastructure project ng City goverment ng Puerto Princesa,” sabi ni Damasco.
Duda rin ang konsehal kung nasimulan ito noong December 2,2018 dahil sa walong buwan ay kukunti lang ang nagawa at kung matatapos ito sa January 2020.
Dahil dito ay hiniling ni Konsehal Damasco na ipatawag sa question and answer hour ng City council sa susunod na sesyon ang City Engineering office, Bids and Awards Committe at ang kontraktor para magpaliwanag sa palpak na proyekto at hindi na maulit pa ang ganitong problema.
Samantala, nabanggit naman ni City Councilor Victor Oliveros na may nakuha siyang impormasyon mula sa mayor ng syudad na papalitan na ang kontraktor dahil sa hindi pagtupad sa kontrata.
Discussion about this post