Patay ang isang lalake matapos manlaban umano sa isang police asset sa isang drug buy-bust operation. Ayon kay P/Chief Insp. Mark Allen Palacio, nagkaroon ng bilihan ng droga sa pagitan ng kanilang asset at ng suspek na si Jeffrey “Diva” Orbiso ngunit nahalata daw ng suspek na asset ang kaniyang katransaksyon kung kaya ay pinaputukan nito ng baril ang asset.
“Nang magkaabutan na sila, lalabas sana yung tropa nating nakatafo para arestuhin na ang suspek. Suddenly, dumukot ito ng baril at pinaputukan ang ating asset,” saad ni Palacio. Gumanti ng putok ang grupo ng pulisya sapagkat nasa alanganin ang kasama nitong asset. Tinamaan sa ilalim ng kilikili ang suspek.
“Nung makita natin na nakalagay na sa alanganin ang kasama natin, gumanti na rin tayo ng putok at tinamaan sa ilalim ng kilikili,” dagdag nito. Aniya ay sinubukan ng kanilang kampo na tumawag ng ambulansiya upang agapan ito ngunit naideklara na itong Dead On Arrival (DOA).
“We tried to call the ambulance or KAAC para agapan pa sana pero lately declared na itong DOA,” pahayag ni Palacio. Organisado rin umano ang galawan ng grupong kinabibilangan ng suspek. Kabilang sa mga kasama nito ay si Norman Arias at Chistoper Sandoval na mga natimbog ng pulisya kamakailan lamang.
Nakunan si Diva ng isang pakete na pinaghihinalaang shabu at isa pa sa bulsa nito na may timbang na aabot sa limang gramo maging ang .38 caliber na baril na ginamit nito. Ayon naman sa pulisya ay ito pa lang ang unang pagkakataon na may nanlabang suspek at napatay sa mga drugs operation. Kaakibat nito ay muling nagbigay ng babala si Palacio sa mga patuloy pa ring tumatangkilik at gumagamit ng droga na tigilan na ito dahil buo ang kanilang pwersa sa pag sugpo nito.
Discussion about this post