Pinapurihan ng Department of Transportation ang libreng sakay ng pamahalaang panlungsod na nagsimula nitong Lunes, May 5 at tatagal hanggang sa May 15, 2020.
Sa panayam ng Palawan Daily News kay Transportation Assistant Secretary Alberto Suansing, sinabi nito na ang subsidy program na ito ng city government ay isang magandang halimbawa ng pagtulong sa mga residente ng lungsod ngayong panahon ng krisis.
Dagdag pa ng opisyal na sa kanyang pagkaka-alam ay ang Puerto Princesa lang ang gumawa ng ganitong programa na malaking tulong para sa mga magsisipag-balik na sa trabaho matapos maibaba sa general community quarantine ang status sa buong lalawigan ng Palawan.
“As far as I know, it’s only Puerto Princesa ang gumawa n’yan. It’s the LGU’s call kung gusto nilang gawin ‘yun and very much welcome sa amin ‘yan dahil tulong talaga ‘yan sa mga kababayan natin,” ani Suansing sa panayam ng Palawan Daily News.
Matatandaan na inaprubahan ng city council ang Transport Subsidy Program na nagkakaloob ng libreng gasolina at limang daang piso kada araw sa ilang tsuper at operator’s ng multicab at jeepney sa lungsod.
Dahil dito, libre naman ang sakay sa mga napabilang na public utility vehicles habang umiiral ang GCQ sa lungsod pero mahigpit ang panuntunan na kailangan parin sundin ang social distancing.
Una nang sinabi ni City Budget Officer Regina Cantillo na mahigit sa P5.5 million ang inilaang pondo ng city government sa programang ito na mula sa savings sa gas allocation at financial assistance budget ng CSWDO.
Discussion about this post