Sa kabila ng mga reklamo ng ilang Locally Stranded Individuals na umuuwi dito sa lungsod ng Puerto Princesa mula Hunyo ng taong ito kung saan nakakatanggap pa ng “bashing” sa social media ang mga frontliner ng lungsod, isang LSI naman ang naglabas ng kanyang paghanga at papuri sa city government at sa mga tinaguriang “COVID Warriors”.
Sa Facebook post ni May Dee Nombrehermoso na isang LSI na umuwi nitong July 20 sa lungsod, mababasa ang kanyang kwento at karanasan mula nang lumapag ang sinasakyan nilang eroplano sa paliparan.
Puro magagandang salita ang sinabi nito base sa kanilang naging karanasan ng kanyang ina na kasama nitong dumating.
“I would like to express my high appreciation to the LGU of my hometown, Puerto Princesa City. Long post ahead… haha,” panimula ito sa kanyang post.
Sa panayam naman ng Palawan Daily News kay Nombrehermoso sa pamamagitan ng programang “CHRIS ng BAYAN”, sinabi nitong manghang-mangha sila sa mga ginagawa ng frontliners sa lungsod na naglalayong matiyak ang kaligtasan ng mga LSI at ng mga mamamayan nito laban sa COVID-19.
“Siguro, made-describe ko s’ya sa isa o dalawang salita lang… ‘Very impressive’ ‘yong service o pag-asikaso sa amin simula pagbaba sa eroplano hanggang sa makarating kami sa aming quarantine facility. Napaka ganda, very systematic, organized at nakakatuwa dahil sa dami ng stress na nararanasan natin sa ating paligid, may magagandang bagay na nakikita natin at dapat itong bigyan ng pansin at pasalamatan lalo na ‘yong mga nag-assist sa amin,” ani Nombrehermoso sa panayam ng Palawan Daily News.
“Iba kasi ang pagtanggap nila dahil kahit alam mong pagod na sila, nakangiti parin sa amin ang frontliners. ‘Yong warmth ng pagtanggap at pag-aasikaso sa amin ay talagang wala kang masasabi. Maayos ang quarantine facility, ang food ay daily na binibigay sa amin at masusustansya talaga s’ya at daily din na may tumitingin sa kalagayan namin to monitor our health condition. Asikasong-asikaso kami dito at wala na kaming masasabi pa. Actually, hindi ganito ang ini-expect namin sap ag-uwi naming,” dagdag pa nito.
Sinabi pa ng LSI na ang ginagawa ng city government ay hindi lang para sa kanilang mga umuuwi dito sa Puerto Princesa kundi lalo’t higit sa mga naririto na sa lungsod upang makasiguro na walang dalang virus ang mga nagbabalik-probinsya.
“Wala silang dapat ikalabaha dahil paglabas namin dito ay siguradong wala kaming dalang sakit. Actually, nagulat din kami dahil full PPEs ang suot ng frontliners at ang mga gamit namin ay dumaan din sa disinfection. Pagbaba palang namin sa airport ay para na kaming nasa hospital hanggang sa makarating kami sa quarantine facility, talagang akala mo ay nasa emergency room ka ng hospital dahil standard lahat ng suot nila. Dahil dito, masasabi ko na we are safe dahil ganito ang ginagawa ng city government para labanan ang sakit na ito,” sabi pa ni Nombrehermoso.
Samantala, hiling ni Nombrehermoso na sa halip na batikusin ang frontliners ng lungsod, mas mainam anyang pasalamatan ang mga ito at tingnan ang kabayanihang kanilang ipinapamalas dahil sa kabila ng panganib at banta ng COVID-19 ay mas pinili ng mga ito ng ipagpatuloy ang pagsisilbi sa bayan upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.
“Nagpapasalamat tayo siyempre sa ating Panginoon at sa ating frontliners doon pa lang sa airport staff, sa mga bus drivers, sa mga nag-assist at nag-document sa aming pagdating. Sa mga nurses, med techs na nag-orient sa amin hanggang dito sa hotel staff na nag-aasikaso sa amin, maraming-maraming salamat po. Kahit kasi nakikita naming pagod na sila, mararamdaman mo sa kanila ang taos pusong paglilingkod at sinasabi nilang welcome kaming umuwi dito. Sa inyo pong mga frontliners at sa LGU natin, maraming salamat po talaga sa inyo at sa Incident Management Team lalo na sa pages-secure ng safety ng ating siyudad,” ani Nombrehermoso.
“Sa ating mga kababayan, huwag po kayong mangamba dahil ginagawa po ng ating local government ang lahat to ensure our safety. Maging sa aming LSIs at inyo na nandito lang sa Puerto Princesa, talagang safety first ang ginagawa po nila. Pero siyempre, huwag po tayong matakot pero huwag din tayong maging kampante at dapat sundin natin sila sa kanilang mga paala-ala sa atin. Importante kasi na maging responsible tayo dahil maganda ang ginagawa nila [LGU] pero dapat gawin din natin ang ating part bilang mamamayan ng Puerto Princesa,” pagtatapos nito.
Discussion about this post