Natupok ng apoy ang What the Bible Says – Bible Baptist Church sa Purok Kapatiran, Barangay San Pedro, Puerto Princesa City, pasado alas-4:00 ng hapon ngayong araw ng Martes, Hulyo 15.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) Puerto Princesa, pasado 4:32 ng hapon nang maitawag umano sa istasyon ang sunog na agad namang nirespondehan ng mga tauhan ng BFP katuwang ang mga tanker ng City Disaster Risk Reduction and Management (CDRRMO), at Puerto Princesa City Water District.
Agad na inapula ang apoy na nagsimula sa bandang likuran ng simbahan at tuluyang kumalat sa loob nito. Nilamon naman ng apoy ang kisame, bubong at maging mga gamit ng simbahan.
Ayon kay Pastor Jehujair Canoy, taong 1984 pa nang maitayo ang simbahan at ang eskwelahan sa loob nito. Nang mangyare umano ang sunog ay wala na ang mga estudyante sa loob ng simbahan.
Samantala, wala namang napaulat na nasaktan sa nangyareng sunog. Patuloy ang imbestigasyon ng BFP sa pinagmulan nito.