Matagumpay na nagwagi ang Andres Soriano Memorial Elementary School (ASMES) sa Henyong Palaweño Quiz Bee Elementary Level na ginanap ngayong araw, Hunyo 13, bilang parte ng selebrasyon ng Baragatan Festival 2023.
Nagtipon ang mga mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan sa Palawan upang lumahok sa prestihiyosong paligsahan na ito na ginanap sa Convention Hall ng NCCC Mall Palawan kanina.
Ang Henyong Palaweño Quiz Bee ay isa sa mga pinakaaabangang bahagi ng taunang Baragatan Festival, na nagpapakita ng galing at talino ng mga mag-aaral sa lalawigan.
Nagpakita ng matinding talino at kaalaman ang mga mag-aaral ng ASMES kabilang na sina Xian Malabayabas, Gernah Rovie Aumenta, Ma. Strell Dawn Bebit, na ginabayan naman ng coach nilang si Teacher Aram Camba.
Nangibabaw ang mga mag-aaral habang sumasabak sila sa iba’t ibang katanungan na sumasaklaw sa sining, kultura, kasaysayan, at iba pang aspekto ng Palawan.
Ang mga ito ay sumailalim sa matinding pagsasanay at paghahanda upang matiyak ang kanilang tagumpay sa nasabing paligsahan.
Ito ay nagbunga naman ng tagumpay sa ASMES at bayan ng Roxas. Ipinakita ng mga mag-aaral ang diwa ng kanilang paaralan, na nakatuon sa pagbibigay-diin sa edukasyon at pagpapalakas ng kaalaman ng kanilang mga estudyante.
Sa pagkakapanalo ng ASMES ay may kaakibat na premyong ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan na may halagang P20,000 bilang paggunita sa husay at kahusayan ng mga mag-aaral sa ASMES at upang mgbigay-inspirasyon sa iba pang mga paaralan na maabot ang mataas na pamantayan ng edukasyon.
Ang kanilang tagumpay ay isang patunay na ang pag-aaral at pagpapahalaga sa kaalaman ay tunay na nagbubunga ng tagumpay. Ito rin ay nagpapakita ng dedikasyon ng kanilang mga guro at mga magulang na sumusuporta sa kanila sa kanilang paglalakbay tungo sa kaalaman.
Discussion about this post