Dalawang sunog ang sumiklab sa lungsod ng Puerto Princesa nitong January 8, 2021.
Naganap ang unang sunog sa Golden Cooking Enterprises na isang pabrika ng mantika sa Dimalanta Street, Purok Star Apple, Barangay Sicsican. Nagsimula umano ang apoy pasado alas 2 ng madaling araw sa isang kuwarto kung saan pinoproseso ang mga mantika at bandang alas 3 ng madaling araw nang maitawag ito sa tanggapan ng BFP. Agad naman itong nirespondehan ng mga bombero at idineklarang fire under control pasado 4 na at idineklarang fire out alas 6 na ng umaga. Wala namang naitalang nasaktan o nasugatan sa nangyaring sunog.
Ayon kay FO3 Mark Anthony Llacuna, tagapagsalita ng BFP Puerto Princesa, mahigit walong truck ang nagamit sa pagresponde sa sunog dahil narin sa lawak ng natupok nito.
“Pagkatawag [saamin] dispatch din po kaagad ng lahat ng available na firetruck umabot kami ng halos walong truck kasama na po duon ‘yong dalawang tanker ng water district and meron pang Philippine Air Force at yung CDRRMO natin na may fire truck din [at] kaagad na tumawag kami ng backup”
Pumalo naman ng P500,000 ang inisyal na danyos ng nasabing sunog.
Ang ikalawa naman ay naganap sa pagawaan ng mga makina sa Pensylvania Street, Barangay Mandaragat. Nagsimula ang sunog bandang 3:50 ng hapon at naitawag ito sa tanggapan ng BFP bandang 4:02 ng hapon. Idineklara itong fire under control bandang 4:15 na ng hapon, at fire out bandang 4:20 ng hapon.
Pagmamay-ari umano ni Roselyn Adeni ang nasabing gusali na inuukupahan ng Palawan Sea Dragon. Wala namang naitalang nasaktan sa nasabing sunog. Tinatayang aabot ng P40,000 ang danyos ng apoy sa pagawaan ng makina.
Ayon kay FO3 Mark Anthony Llacuna, mechanical at electrical ang tinitignan nilang sanhi ng dalawang sunog.
“The same halos sila mechanical and then electrical then dahil siya ay parehong industrial occupancy”
Nagpaalala naman ang BFP sa mga empleyado at maging sa mga kabahayan na siguraduhing walang napabayaang nakasaksak na mga appliances kapag aalis ng tahanan o ng establisiyemento.
“Sa lahat ng mga empleyado siguraduhin na walang naiwanan na unattended appliances or anumang mga nakasaksak or siguraduhing clear or safe ‘yong workplace ng lahat ng nagtatrabaho para hindi na maulit ang mga ganitong insidente. At the same time, ganun din sa mga kababayan natin sa inyong mga tahanan siguraduhin na i-unplug lahat ng mga appliances at the same time po yung open flame yung may nagluluto sa kusina dahil ang pinakamataas na rate talaga ng cause ng sunog is electrical secondary lang po yung open flame.”
Discussion about this post