Ipinanukala kamakailan ni Puerto Princesa City Councilor Rolando Amurao sa Sangguniang Panlungsod na maisailalim sa mandatory drug test ang mga suspek sa iba’t ibang krimen na ang hatol ay Prision correccional hanggang sa reclusion perpetua.
Sa pamamagitan ng inihaing panukalang ordinansa ng konsehal, naglalayon si Amurao na mai-ugnay sa kaso ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot ang kinasangkutan o nagawang krimen ng isang indibiduwal.
Nag-ugat ang paghahain ng konsehal ng kaniyang panukala bunsod ng mga nangyayaring krimen at madalas na aksidente sa kalsada na nagreresulta ng pagkasawi ng mga inosenteng commuters.
“Naniniwala tayo na ano mang krimen o karahasan, hindi ‘yan magagawa nino man kung nasa katinuan at hindi na-impluwensiyahan ng ipinagbabawal na gamut,” pahayag ni Amurao sa panayam ng Palawan Daily News.
Subalit hindi lumusot sa ikalawang pagbasa ng Committee on Peace and Order and Public Safety ng kapulungan ang panukala matapos na magpalabas ng opinyon ukol dito ang City Legal Office (CLO) na “unconstitutional” o labag sa Saligang Batas ang panukala sapagkat maituturing itong “self-incrimination” o pagdidiin sa sarili sa isang kasalanan.
Nasasaad naman sa Philippine National Police (PNP) Chemistry Handbook na pinapayagan lamang ng batas na maisa-ilalim sa drug test ang mga akusado sa krimen kung ang mga ito ay nahulihan o nasasangkot sa iligal na droga.
Bukod dito, maaari ring maisailalim sa mandatory drug test ang mga opisyal o tauhan ng PNP at iba pang tagapagpatupad ng batas, mga sibilyan na nagnanais kumuha ng “license to own and possess firearms,” maging ang mga lumabag sa Anti-Drunk and Drug Driving Act.
Gayon pa man, determinado ang konsehal na maisulong ang inihaing panukala kung kaya nakahanda aniya siyang maghain ng motion for reconsideration sa CLO upang muli itong mabuksan at matalakay sa komite. (AJA/PDN)
Discussion about this post