Dahil sa dumadami ng kaso ng COVID-19 sa Lungsod ng Puerto Princesa, naglabas ng bagong kautusan ang punong lungsod ukol sa pagbabalik ng mas maagang curfew at pagtatalaga ng mga checkpoint sa mga istratehikong lugar simula ngayong araw.
Sa ibinabang Memorandum Order No. 2020-138 ni City Mayor Lucilo Bayron ngayong araw at naka-address kina City PNP Director Sergio Vivar Jr. at City Information Officer Richard Ligad na siya ring head ng Anti-crime Task Force (ACTF) at Public Order and Safety Office (POSO), iniatas niya sa mga pinuno ng nabanggit na mga ahensiya ang istriktong pagpapatupad ng bagong oras ng curfew sa lungsod na mula sa 12:00 MN hanggang 5:00 AM ay ibinalik ito sa 8:00 PM hanggang 5:00 AM simula ngayon, Hunyo 25. Kasama rin dito ang mahigpit na pagpapatupad ng mandatory na pagsusuot ng facemask kapag lumalabas ng tahanan o kapag pumupunta sa mga pampublikong lugar na pawang mananatili hangga’t walang kautusang nagbabago dito.
Bilin ng punong ehekutibo sa pamunuan ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO), mahigpit na ipatupad ang curfew hour sa nabanggit na mga oras at ang paglalagay ng mga strategic checkpoints sa lungsod upang matiyak na susunod ang mga residente ng siyudad at ang iba pang nakatira rito sa ipinatutupad na curfew.
Pareho namang inaatasan ni Mayor Bayron ang PPCPO at ang ACTF na mas palakasin pa ang kanilang presensiya at ang pagpapatrolya. Ito umano ay upang maging babala sa mga indibidwal na binabalewala lamang ang mga ipinatutupad na health protocols at guidelines, lalong-lalo na ang pagsusuot ng facemask o mga kahalintulad na mga protective equipment kapag lumalabas ng tahanan o sa mga pampublikong lugar sa siyudad kabilang na ang mga pang-gobyernong tanggapan at mga pribadong establisyemento na kasalukuyan nang nag-o-operate.
Paalaala pa ng Pamahalaang Panlungsod sa mga mamamayan, mayroon nang umiiral na ordinansa na nagpapataw ng multa sa di pagsunod sa pagsusuot ng facemask, at sa diskriminasyon sa mga frontliners at sa mga pasyente ng COVID-19. Ang tinutukoy ng Punong Lungsod ay ang City Ordinance No. 1050 o ang “An Ordinance Penalizing Discrimination, The Violation of Quarantine Rules, Safety Procedures and Protocols as laid herein and all relevant laws, policies, rules and regulations set in place for the protection of public health, order and safety during the existence /subsistence of the National Public Health Emergency until the same declaration has been lifted by the national government.”
Nakasaad din sa ordinansa na ang sinumang sumuway sa kautusan na magsuot ng face masks sa mga pampublikong lugar at sa mandatory na pagsusuot din ng facemask ng mga sellers o vendors ng mga basic commodity ay papatawan ng P300 para sa unang paglabag, P500 sa ikalawa at P1,000 sa ikatlong pagkakataon ng di pagtalima.
Samantala, matatandaang ngayong araw ay panibagong limang kaso ang naitala sa lungsod na itinuturing ng “community transmission” sapagkat nahawaan sila ng mga medical employee ng ONP na nasa kategoryang “local transmission,” ayon na rin sa anunsiyo ng City Incidence Management Team ng Puuerto Princesa sa mga nauna nilang online advisory.
Discussion about this post