Sa pagdiriwang ng ika-152 taong anibersaryo ng Lungsod ng Puerto Princesa nitong araw ng Marso 4, inilahad ni Mayor Lucilo Rodriguez Bayron ang mga plano at mga proyektong naglalayong palakasin at pasiglahin ang siyudad lalo na sa sektor ng turismo.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin niya ang mga tagumpay ng kasalukuyang administrasyon at hinamon ang mga mamamayan na makiisa sa pag-abot ng mga pangarap para sa Puerto Princesa.
Pinuri rin ni Mayor Bayron ang pagtatapos ng proyektong “Save the Puerto Princesa Bays,” kung saan sako-sakong basura ang nakolekta mula sa mga coastal barangay sa lungsod. Isa rin sa mga ipinagmamalaki niya ang pagsisimula ng Irawan Housing, isang proyektong makakapagbigay ng tirahan sa libu-libong pamilya lalo na sa mga nawalan ng tirahan dahil sa insidente ng sunod sa dalawang barangay sa lungsod.
Naniniwala ang alkalde na may kakayahan ang Puerto Princesa na maging sentro ng MICE (Meetings Incentives Convention Exhibit) sa Pilipinas. Sa pamamagitan ng mga proyektong tulad ng Pawikan Convention Center at Shell Convention Center, patuloy nilang pinapalakas ang imprastruktura ng lungsod. Dagdag pa rito, isinusulong din ng lungsod ang Sta. Lucia Environmental Estate bilang isang potensyal na Tourism Economic Zone, na magdadala ng mas mataas na kita sa ekonomiya ng Puerto Princesa.
Isa rin sa mga pangunahing prayoridad ng administrasyon ni Mayor Bayron ang pagpapalakas ng industriya ng pangingisda sa pamamagitan ng Integrated Fish Ports. Sa tulong ng mga proyektong ito, inaasahan nilang mapalawak at mapalakas ang kita ng mga mangingisda sa lungsod.
Sa huli, hinimok ni Mayor Bayron ang mga mamamayan na makiisa at magtulungan para sa patuloy na pag-unlad ng Puerto Princesa. Kasunod ng kanyang talumpati, idinaos ang iba’t ibang aktibidad tulad ng pyro-musical display at Battle of the Bands, na nagbigay-saya at kulay sa pagdiriwang ng anibersaryo ng lungsod.
Discussion about this post