Dapat bigyan ng hazzard pay ang mga barangay tanod na nagsilbing frontliners sa Palawan.
Ayon kay Board Member Ryan D. Maminta, kaniyang hihilingin sa Department of Interior and Local Governtment (DILG) na bigyan rin special risk allowance o hazzard pay ang mga barangay tanod na nagsilbing Covid-19 frontliners noong ipinatupad ang mahigpit na community quarantine partikular na noong buwan ng Marso hanggang Hunyo noong nakalipas na taon.
Aniya, ito ay sa pamamagitan ng Proposed Resolution No. 054-21 na may titulong “Requesting DILG Secretary Eduardo Año thru Usec. Martin Dinio to provide special risk allowance/hazzard pay to barangay tanods who rendered duty as COVID-19 non-medical frontlinners in the Province”.
Tila napag-iwanan na raw kasi ang mga barangay tanod dahil hindi sila kabilang sa listahan ng mga mabibigyan o nabigyan ng hazzard pay.
“Napapansin natin na yung ibang health allied, health and non-health personnel na mayroong diretsang pakinabang ang mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng Department of Health ay napaabutan na ng hazzard pay. Yung sa Provincial Government ay inaasikaso pa lang at gusto rin natin na sa madaling panahon ay maibigay rin sa ating mga kasama, tila napag-iwanan yung ang mga tanod kasi hindi sila doon kasali sa listahan.” giit pa ni BM Maminta.
Dagdag pa niya na ang DILG ay mayroong barangay affairs na nag-aasikaso sa barangay at dito nakapailalim ang mga barangay tanod.
“So nakita natin ang posibilidad na mabigyan sila ay sa pamamagitan ng DILG kasi may office of barangay affairs sa DILG na ito ang inaasikaso yung kapakanan ng mga barangay. Yung mga barangay tanod nasa ilalim ng mga barangay, so hiniling natin kahit papaano makonsidera sa pamamagitan ni Secretary Año at ni Usec Diño na mapondohan yung hazzard pay, special risk allowance ng mga tanod. Kasi nga, tunay din namang nagserbisyo sila noong panahon ng COVID at saka nang panahon na tayo ay nasa ilalim ng mahigpit na kuwarantina. So ngayon, nung meron nang kaunting pakinabang sa boluntaryong paggawa nila ng kanilang tungkulin, tila napag-iwanan sila kaya hiniling natin yan” saad pa ni BM Maminta.
Sa kaniyang palagay umano, ang nararapat na ibigay na hazzard pay ay hindi bababa ng Limang Daang Piso P500.00 kada araw subalit nakadepende pa rin umano ito sa DILG. Pinasalamatan rin ni Maminta ang mga barangay tanod dahil hindi umano basta-basta ang kanilang ginawang trabaho at patuloy pa rin sa pagse-serbisyo kahit minsan ay napagsasabihan pa ng hindi magandang mga pananalita.
Kung sakali umanong hindi mapagbigyan, ang mga Lokal na Pamahalaan maging ang Provincial Government ng Palawan ay maghahanap ng paraan para mabigyan ng pondo ang hazzard pay ng mga barangay tanod.
Inaprubahan naman na ang panukalang resolution sa naganap na special session ng SP ngayong araw, February 10,2021
Discussion about this post