Isinusulong ni Puerto Princesa City Councilor Hertbert Dilig ang ordinansang pagsuot ng mga indibidwal na papasok sa Lungsod ng Puerto Princesa ng tinatawag na ‘health band’ bilang hakbang upang mapaigting ang contact tracing.
“Basically ang intensyon ng panukalang ordinansa na ito ay still para matulungan ‘yung tinatawag nating contact tracing. Panukala po ‘yan para magkaroon ng ordinansa na lahat na darating sana na mga pasahero sa ating mga airport at sa ating pantalan na hindi residente ng Puerto Princesa City at ng Palawan na pagsuotin niyan pagdating dito sa ating lugar…,” ani Dilig.
Dagdag pa niya na ang mga personal na detalye ng mga indibidwal na magsusuot nito ang ilalagay sa health band na inihalintulad sa hospital wristbands.
“Ang ideya ko rito ay ‘yung parang na confine ka sa ospital, nilalagyan ka ng bracelet na parang may pangalan, may date para kahit saan ka pumunta madaling ma-identify [at] hindi nila maitatanggi kung saan sila pumunta.”
Ayon pa sa konsehal ay mas mapapatupad ang social distancing dahil madaling matukoy ang mga indibidwal na magsusuot nito at alam din ito ng mga taong nasa paligid niya.
“Kung ikaw ay taga-Palawan [at] nakita mo ang isang tao na may bracelet, alam mo na siya ay hindi taga Palawan. So mas susundin siguro natin ang dapat naman nating ginagawa na social distancing. Gayundin naman sa hindi taga Palawan, ‘pag dumating siya dito at siya’y may bracelet…”
Ipinaliwanag din ni Dilig na nakasaad sa ordinansa na ipinagbabawal ang diskriminasyon sa mga taong nakasuot ng health band.
“Doon din mismo sa ordinansa ay inilagay natin na bawal ang diskriminasyon pero kung ang sinasabi nating diskriminasyon ay may didistansya sa’yo ng isang metro ay talaga naman dapat ginagawa natin yan kahit na hindi taga ibang lugar.”
“Magkakaroon lang ng diskriminasyon kung halimbawa ang turista na may health band at pupunta sa isang restaurant at hindi pagsisilbihan dahil siya ay may healthband at hindi siya taga-Palawan diskriminasyon yan…”
Hindi naman kailangang magsusuot ng health band ang mga Locally Stranded Individual (LSI), Returning Overseas Filipino Workers (ROF), at Authorized Person Outside Residence (APOR) dahil may mga panuntunan na sinusunod ang mga ito tulad ng pag-quarantine pagdating sa lungsod ‘di tulad ng mga turistang papasok sa lugar kung sakaling magbukas muli ang turismo.
“Yung LSI at saka ‘yung ROF wala tayong problema riyan kasi talagang mga taga rito iyan na ‘pag dumating dito pagkatapos mag-undergo ng health and safety protocol tutuloy iyan sa kani kanilang mga bahay so namo-monitor din ‘yan ng ating mga kinauukulan at ng ating mga barangay officials. Ngayon pagdating sa APOR, ‘yan madalian lang ‘yan sila so hindi natin sila basta basta namomonitor. Di natin alam kung saan sila nagpupunta.”
“Later on halimbawa tumanggap na ng mga turista ang ating lugar, hindi lang sa Palawan kundi sa iba’t ibang lugar na mas darami na ang ganyan klase na di natin malalaman kung saan saan sila pumupunta.”
Discussion about this post