Magkasalungat ang opinyon ng ilang mananakay sa Lungsod ng Puerto Princesa pagdating sa pagtaas ng pamasahe sa traysikel mula sa kasalukuyang P10.
Sa ngayon ay nakasalang pa rin sa Committee on Transportation sa Sangguniang Panlungsod ang kahilingan ng asosasyon ng mga tricycle operators and drivers na itaas ang minimum na pamasahe.
“Hay! Naku, pandemic na nga, ngayon pa mag-request. Wala nang pera [ang mga] tao, di na alam pa’no ipagkakasya ang perang kakarampot [na nga lamang],” ang sentimiyento ng isang residente ng Brgy. Sta. Monica na si Atila Yap.
Komento naman ng tanod ng Brgy. Tiniguiban na si Larry Carillo, dapat ang unang pagtuunan ng pansin ay ang mapababa ang presyo ng gasolina at hindi ang pamasahe. Sa kasalukuyang sitwasyon na mahal ang gasolina, aniya, dapat lamang na ipanatili ang P20 na pasahe, lalo pa’t bihira lamang ang mga taong sumasakay sa traysikel.
Reaksyon naman ng isang commuter na si Kim Abdul na kasalukuyang nagtatrabaho sa Brgy. San Pedro, sa panahon ngayon ng pandemya ay dapat na ipanatili na lamang muna sa P10 ang minimum na pasahe sa traysikel dahil mahirap na sa mga mananakay kung tataasan pa.
“Ang hirap na nga rin ng buhay. ‘Yong mga pasahero, nagtitipid. Pare-parehas din naman tayong naghihirap. Mahirap din naman kumita ng pera.”
Ngunit kung mayroon mang mga umaalma sa fare hike, ilan namang taga-lungsod na payag umano sa pagtaas.
“Sa akin okay lang kasi mahilig akong mag-arkila. Hindi ako nag-aantay ng kasama sa trike kasi alam mo naman madalian lagi [ang] lakad [ko],” ayon kay Jeng Grande, isang negosyante ng PSU Road sa Brgy. Tiniguiban.
Para naman sa mag-asawang sina G. at Gng. Armando Besas at Myrna Besas, walang problema sa kanila ang taas-pasahe dahil nauunawan nila ang sentimiyento ng mga tricycle driver.
Ani G. Besas, nauunawan niya ang mga namamasada na lubos na apektado ngayong pandemic dahil isa rin siyang trike driver noon sa siyudad na tumagal ng 25 taon na naging daan upang makapagtapos sa kolehiyo ang kanilang mga anak na ngayon ay accountant na at guro.
Kay Gng. Jocelyn Belviatura naman, anuman ang napagkasunduan ay malugod niyang susundin.
Sa ngayon umano, sa kanyang pag-ikot sa paglalako ng kanyang mga panindang pagkain ay nagbibigay siya ng pasobra sa drayber kung may sobra rin sa mga naitatabi niyang pera at kung sakto lamang ang kanyang kita ay minimum na bayad lamang ang kanyang ibinibigay.
Sa unang panayam ng Palawan Daily News sa Presidente ng Federation of Tricycle Operators and Drivers’ Association (TODA) in Puerto Princesa City, Inc. (FTODAPPCI) na si Efnie Lusoc, ipinaliwanag niyang napagkasunduan ng kanilang grupo na hilingin sa Konseho na madagdagan ng P2 ang P10 minimum fare sa mga pampasadang tricycle sa bawat unang dalawang kilometro at 25 sentimos naman sa bawat karagdagang kilometro mula sa existing na P1.50.
Kung mapagbibigyan ay magiging P12 na ang minimum fare sa tricycle para sa unang dalawang kilometro at P1.75 na sa sa bawat kasunod na kilometro.
Sa pinakahuli namang panayam ng PDN matapos ang unang public consultation noong Marso 18, binanggit ni Kgd. Jimbo Maristela, chairman ng Komite ng Transportasyon na tinitimbang nilang maigi kung dapat bang itaas ang pasahe at kung magkano ang dapat itaas.
Aniya, ang napag-usapan sa City Traffic Franchising and Regulatory Board (CTFRB) kaugnay sa kahilingan ng mga tricycle operators ay payagan silang magtaas ng hanggang P12 sa unang dalawang kilometro at dagdag na P2 sa susunod na kilometro.
Ikinatuwa naman ng pinuno ng Committee on Transportation na nauunawan ng ilang sektor ang sitwasyon sa ngayón ng mga tricycle drivers sa Lungsod ng Puerto Princesa ngunit gaya ng dati niyang sinasabi ay sisikapin nilang balansehin ang fare hike na hindi rin magiging pabigat sa mga commuter.
Samantala, isasagawa naman ang ikalawang public hearing kaugnay sa usapin, dakong 2 pm sa araw ng Martes, Marso 30, sa susunod na linggo.
Discussion about this post