Hinihiling ngayon ng pamunuan ng Barangay Sicsican sa mga nasa talipapa na huwag nang magbenta ng isda at karne at magpalit na lang ng ibang produkto.
“Wala namang problema yun kung gusto nila mag ukay-ukay, gusto nila ibang negosyo puwede naman manatili sa puwesto nila, wag lang yung isda at saka yung karne. Hindi puwede na pang habang-buhay sila dyan, maililipat talaga.” Pahayag ni Kapitan Balbino Parangue, Barangay Sicsican.
Binigyang diin ni Kapitan Parangue na pagtitinda lamang ng isda at karne ang hindi pinapayagan para umano sa kaligtasan at kalusugan ng mga mamamayan alinsunod sa ipinatutupad na Market Code ng Puerto Princesa.
“Ang binabawal kasi sa karne at isda, siyempre unang-una diyan, safety ng ating mga kababayan. Kasi hindi natin alam yung iba nagtitinda ng karne na hindi naman dumaan sa slaughterhouse at sanitary, baka mamaya double dead na yan. Siyempre malalagay din sa peligro ang buhay ng mga kabarangay natin tapos yung sa isda naman hindi rin natin alam baka huli sa dynamite o anong illegal fishing so nakakaapekto rin sa kalusugan ng ating mga kabarangay, yun yung nakikita ni Mayor [Lucilo Bayron], yung kaligtasan at kalusugan ng ating mamamayan,”
Plano rin ng kapitan na mailipat ang mga ito partikular sa Barangay Irawan depende sa magiging desisyon ng pamanuan ng Public Market.
“Ang plano ko lahat sila i-recommend na lang doon sa market, baka puwede i-accommodate ang lahat ng nagtitinda sa talipapa dito (partikular yung nagtitinda ng isda at karne),”
Ayon naman kay ‘Manong Boy’ nagtitinda sa talipapa sa Barangay Sicsican, wala silang magagawa kung ano man ang desisyon ng mga nasa pamahalaan pero sana hindi ngayong nasa panahon ng pandemya.
“Wala po tayo magagawa, yan ang gusto nila. Pero sana sa pagpapatupad ginagamitan ng puso lalo na ngayon may COVID nasa panahon ng pandemya,”
Samantala sa ngayon ay wala pang kautusan umano ang City Government kung hanggang kailan papayagan ang mga nagtitinda ng isda at karne sa Barangay Sicsican. Subalit kung may kautusan na pinal, ay agad nila itong ipatutupad.
“Actually nakaraan pa yan deadline, Disyembre pa, pero for consideration ng ating pamunuan kaya syempre hinahanapan ng magandang solusyon,”
“Kasi kami naka-antabay sa anuman [ang magiging abiso ng] City Government kung bibigyan kami ng deadline, talagang hindi na puwede eh doon din kami magpapatupad,’ dagdag na pahayag ni Kapitan Parangue.
Discussion about this post