Narekober ng kawani ng City Traffic Management Office ang motorsiklo na tatlong araw na nawawala sa Barangay Maningning, lungsod ng Puerto Princesa.
Ayon kay Bart Cesar Valdez, naka-park ang kanyang motorsiklo sa loob ng kanilang compound noong Setyembre 11 ng gabi. Setyembre 12 naman ng umaga pag-gising niya, napansin niyang nawawala na ang kanyang motorsiklo kaya agad niya itong ipinaalam sa Brgy. Hall ng Brgy. Maningning upang ma-ebloster.
Sa panig naman ng CTMO, noong Setyembre 13, ganap na 7:00 ng gabi, dumating ang tatlong babaeng menor de edad na sakay ng motor sa Valencia St. Nang mahuli sila ng traffic enforcer dahil wala silang suot na helmet, tinanong sila kung mayroon silang lisensya ngunit walang maipakita sa kinauukulan. Napag-alaman na ang driver umano ay mula sa Brgy. Maningning.
Kaya naman tinawagan ng traffic enforcer ang isang tanod doon na isa ring traffic enforcer upang kumpirmahin. Napag-alaman na mayroong nawawalang motorsiklo sa Brgy.
Ayon kay Allan Mabella, City Traffic Operation Manager, dinala ang tatlong kabataan sa PNP at tinawagan ang may-ari ng motor upang kumpirmahin kung ang nawawalang motor ay ang mismong ginamit ng mga kabataang babae.
Kinumpirma naman ni Bart Cesar Valdez na ang motorsiklo na ginamit ng tatlong kabataan ay kanya.
Nasa pangangalaga na ito ng CSWDO dahil mga menor de edad ang mga ito.
Nanawagan naman si City Information Office, Richard Ligad, sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO) na seryosohin ang pagtuturo sa mga kabataan na mali ang kanilang ginagawa. Bagamat naniniwala siya na may mga hakbang na ginagawa ang CSWDO, nakakabahala na ang mga kabataan, lalo na’t mga kababaihan, ay nasasangkot na hindi lamang sa carnapping kundi pati na rin sa rambulan.
“Maging aware tayo dahil nakikita natin na maraming problema kapag nasasangkot ang mga kabataan. Minsan, mapupusok ang kanilang damdamin at bigla-bigla ay maaaring magkaroon ng malaking problema dahil sa akala nila ay naglalaro lamang sila. Iniisip nila na hindi sila makukulong,” ayon kay Ligad.
Mayroon ding panawagan sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga kabataan, lalo na ang mga kababaihan, upang maiwasan ang mga ganitong sitwasyon.
Nagpapasalamat si Bart Valdez sa mga traffic enforcer na nakarekober ng motorsiklo sa pangunguna ng kanilang supervisor na si Nonoy Gomer Fajardo kasama sina Mr. Lipar, Mr. Giray, Mr. Biongan, Mr. Dadaeg, Mr. Cuya, Mr. Martines, at Mr. Liadonit.
“Muli ako po ay lubos na nagpapasalamat sa inyong lahat, ” ani ni Valdez.
Discussion about this post