Ang Puerto Princesa Underground River (PPUR ) ay nagsimula nang tumanggap ng mga bisita kasabay ng muling pagbubukas ng turismo sa Lungsod ng Puerto Princesa kahapon, Disyembre 8, ayon kay Park Superintendent ng PPUR Beth Maclang.
“Actually, ang nagpre-book po sa amin ay 30 plus lang [at] nagulat po kami [na] umabot kami kahapon ng 65 na mga residente…Nakakatuwa pong simulain ‘yan kasi syempre unang araw [ng pagbubukas muli ng turismo at] siguro nga dahil fiesta o holiday ay marami tayong [kababayan na] biglang nagdecide na pumunta ng Underground River,” ani Beth Maclang.
Bagama’t tumatanggap sila ng mga walk-in na lokal na turista ay pinaaalalahanan ni Maclan na mayroong proseso na dapat sundin. Maaari umanong pumunta sa kanilang main office o sa Facebook page ng PPUR upang masagot ang mga katanungan ng mga nais bumisita.
“So yun lang po yung maliit na proseso natin [at] simple lang. Pagmagbobook magdadala ng ID [upang patunayan] na ikaw talaga ay local resident,” pahayag ni Maclang.
Samantala, binabaan din ang rate ng entrance fee upang maging abot-kaya at kaaya-aya sa mga lokal na residente.
“…magbabayad ng Php 100 sa local adult at Php 50 naman sa local minors…mula ng 500 pesos [na fee] ay talagang sinulong yan nila Mayor at ng Sanggunian [Panlunsod] na ma-approve ang amended ordinance. Kasi nga ganyan, mayroon tayong mga local residents na ang halos parang tingin nila doon sa PPUR ay mahal…yung ganon po na konsepto. Kaya sinabi ng ating punong lungsod [na] ibaba pa yan sa dating rate [at] bigyan ng way or chance itong ating mga kababayan na makita [ang Underground River na] sila lang talaga kasi walang foreigner [at] walang ibang mga bisita galing ibang lugar or outside palawan,” dagdag pa nito.
Discussion about this post