Matapos maibalita ng Palawan Daily kaninang umaga ay agad ng naisauli sa opisina ng Barangay San Manuel ang asong si “Fluffy” pasado 6PM nitong hapon, Mayo 30.
Matatandaang nagawang tangayin ng tatlong katao noong Linggo, Mayo 28, si Fluffy habang nasa harap ng tahanan nina Brenda Arancillo, ang may ari ng aso.
Ayon kay Arancillo, isinauli ng ina ng dalagitang nasa CCTV footage ang aso sa barangay hall ngayong hapon lang. Ipinaliwanag din umano ng ina na nagandahan lamang ang kanyang anak kay Fluffy at nag-alala na baka ito ay masagasaan sa kalsada kung kaya’t nagpasya ang mga itong bitbitin ang aso.
Samantala, ikinatuwa naman nina Arancillo nang muling makabalik sa kanilang tahanan ang kanilang alaga na halos tatlong araw ring nawala.
“Iyung nanay po ng dalagita at ng batang lalaki ang naghatid, ang sabi daw ng nanay, nagandahan lang daw sila kaya nila kinuha at baka daw kasi masagasaan,” ani Arancillo.
Ang pagkakasauli kay Fluffy ay patunay na hindi nawawala ang pag-asa at hindi rin mawawala ang tulong ng mga mabubuting tao sa komunidad.
Ito rin ay magsisilbing paalala sa lahat na maging maingat sa pag-aalaga ng mga alagang hayop at siguraduhing mayroong tamang seguridad upang maiwasan ang mga pangyayaring tulad nito.
Discussion about this post