Pinangalanan na ng mga awtoridad ang nasawing miyembro ng New People’s Army (NPA) sa naganap na engkwentro sa pagitan ng militar at mga makakaliwang-grupo sa Sitio Tagnaya sa Brgy. Concepcion kahapon.
Kinilala ang nasabing indibwal na si Raul Reguma alyas “Jerico,” “Raymond” at “Alap-Apin,” tintayang higit 20 taong gulang. Ang kanyang pagkakakilanlan ay kinumpirma ng mga kaanak nito na miyembro ng Kapatiran ng mga Dating Rebelde (KADRE).
Matapos ang nasabing sagupaan sa hanay ng Marine Battalion Landing Team (MBLT)-3 at CPP-NPA ay itinurn-over ang bangkay ni Reguma sa pangangalaga ng PNP- SOCO ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO), kasama ang mga na-recover na mga war material. Ngunit sa hiwalay namang panayam sa Commanding Officer ng MBLT-3 na si LtCol. Charlie Domingo ngayong araw, binanggit niyang taga-Palawan ang napaslang na indibidwal at may kumuha na rin umano sa bangkay nito na mula rin sa lalawigan.
Matatandaang bandang alas sais ng umaga nitong Biyernes, Abril 9, nang nagkaroon ng armed-encounter sa Brgy. Concepcion habang nagsasagawa roon ng Community Support Program ang hanay ng MBLT-3 dahil sa napapabalitang presensya roon ng mga armadong grupo.
Na-recover sa naging sagupaan ang isang KG-9 Machine Gun, MCL 14kgs nails, 21 Rounds cal 9mm at isang magazine, back pack, apat na blasting caps at 9-volt battery.
Discussion about this post