Pinaiigting ngayon ang pagpapatupad ng Executive Order No. 07 ng Puerto Princesa City Government na inilabas noong Pebrero 13 dahil sa pagtaas ng bilang ng local transmission ng COVID-19.
“Patuloy po yung ating pagku-curfew at kagabi medyo kumokonti na [yung mga tao] ‘di katulad nung mga ilang gabi [na] talagang marami. Tinitingnan ko nga dito medyo kumokonti na at um-expand na tayo. Nakarating na tayo ng [Brgy.] Irawan at Sta. Lourdes.” Ayon kay Puerto Princesa City Information Officer at Anti-Crime Task Force Head Richard Ligad.
Aniya hindi lahat ng mamamayan ay alam ang araw na sinimulan ipatupad ang curfew hours kaya’t marami ang nasita.
“So nung [Pebrero] 14, ipinatupad [yung curfew] kasama yung mga kapulisan natin. Mayroong iilan na talgang [hindi alam na mayroon nang curfew], ewan ko kung di nila napakinggan o anong nangyari. [Kaya] ‘yun napuntahan sila ng kapulisan natin. Pero pagdating nung [Pebrero] 15, aware na lahat at [pati na rin] yung ibang estabisyemento. So pagdating ng 10:00 [ng gabi ay] sarado na ang lahat…”
Pinahihintulutan umano na manatiling bukas ang ilang tindahan dahil bumibili dito ng pagkain ang mga ‘exempted’ sa ipinatutupad na curfew tulad ng mga uniformed personnel.
“Usually essentials din kasi ang kailangan nila. Papaano sa mga nagtitinda ng mga de lata [at] mga pagkain? [Pero] limit lang tayo sa tindahan… Pero kasi yung ibang authorized personnel na lumabas bibili rin.”
Dagdag pa nito na maaari rin lumabas ang mga ordinaryong mamamayan ngunit dapat mayroong mabigat na dahilan ang mag ito tulad ng pagbili ng gamot.
“’Di pa naman siya ganun ka-strict na totally [bawal] lahat. So yung mga tao lang kung hindi naman mahalaga yung binibili nila gaya ng alak [ay lumalabag sila sa] curfew siyempre.
”Ayon sa Executive Order No. 7 s. 2021, simula noong Pebrero 14 ay ipinatupad ang curfew hours mula alas 10:00 ng gabi hanggang alas 5 ng umaga. Ito ay epektibo hanggang Pebrero 26, 2021.
Discussion about this post