Approved in principle na ang taas-pasahe sa traysikel sa Lungsod ng Puerto Princesa, ayon sa Chairman ng Committee on Transportation.
Ayon kay Kgd. Jimbo Maristela na chairman ng Komite ng Transportasyon, kapag tuluyang naaprubahan ng City Council ay madagdagan ng P2 ang kasalukuyang minimum fare sa tricycle sa unang dalawang kilometro at dagdag na P.50 naman sa bawat kasunod na kilometro.
“In principle, nakadalawang Committee Public Consulation na kasi ‘yong increase ng minimum fare natin sa tricycle. In principle, approved naman ‘yong P10 to P12 — P2 increase and then, after two kilometers, approved na ‘yong P2 increase instead na P1.50 [sa kasalukuyan],” ayon kay City Councilor Maristela base sa nakayarian ng pagpupulong ng kanyang Komite kahapon.
Sa ilalim ng House Rules ng Sangguniang Panlungsod, pwede na aniyang iakyat sa plenaryo ang isang panukalang ordinansa matapos ang dalawang public hearing sa Committee level.
Aniya, masyado nang matagal ang usapin dahil iniakyat ang kahilingan noon pang Marso at sa buwan ding iyon isinagawa ang unang public hearing.
Matagal aniya itong nasundan sapagkat nagkaroon ng lockdown sa ilang barangay at noong nakaraang linggo naman ay sarado rin ang Sanggunian. Bunsod nito, kahapon lang nila naisagawa ang ikalawang pagpupulong kung saan dumalo ang ibang miyembro ng Sanggunian at mga partisipante via Zoom.
Aaprubahan na raw sana nila ito sa lebel ng Komite ngunit hiniling ni Kgd. Roy Ventura na gawing P15 ang minimum fare. Dahil dito, minabuti na lamang umano nilang pagdesisyunan na lamang ito ng mga miyembro ng City Council sa Lunes.
Ani Maristela, kung P15 ang pipiliin ng kanyang mga kasamahan ay babalik sila sa unang proseso na hihilingin ang rekomendasyon ng CTFRB dahil sila ang may kapangyarihan sa pagtaas ng pasahe sa traysikel. Matapos nito ay babalik din sila sa una at ikalawang public hearing/consultation kumpara ngayon na halos ilang hakbang na lamang upang maaprubahan na ng tuluyan ang taas-pasahe.
Para sa mga miyembro umano ng TODA Federation, pabor sa kanila ang P15 minimum fare ngunit, nag-aalaala lamang sila na baka wala nang sasakay sa kanila at pipiliin na lamang ng riding public ang muticab dahil P10 lamang ang minimum na pamasahe. Higit sa lahat ay naaawa rin umano sila sa mga mananakay.
Ayon pa kay Maristela, mahirap ding iakyat agad sa P15 ang minimum na pamasahe dahil baka mabigla ang publiko.
SA IBANG TUTOL SA TAAS-PASAHE
May mensahe naman si Maristela sa mga mamamayang tutol sa fare hike dahil para sa kanila, hindi ito akma ngayong panahon ng pandemya na marami ang naghihirap at nawalan ng trabaho.
“Ito kasi, tinitimbang-timbang natin ang lahat ng bagay — hindi ‘yong isang sektor lang [ang ating ikokonsidera]. Kung inyong mapapansin, ‘yong una P20 [ang pasahe sa traysikel] kasi isa lang ang sakay na pasahero [noong lockdown sa buong lungsod]. Sinikap nating ibalik sa P10 kahit na nagalit sa atin ‘yong mga tricycle driver, marami, nagtampo [sila] sa akin pero wala tayong magagawa kasi ‘yon ang clamour ng mga kababayan natin na masyado ng mabigat ‘yong P20,” paliwanag niya.
Ngayon aniya ay may kahilingan naman ang mga tricycle driver na taasan sa kahit na P2 ang minimum na pamasahe dahil sa mataas na presyo ng gasolina at piyesa ng kanilang sasakyan.
“Palagay ko naman legitimate ‘yon kasi ‘yong last increase natin na from P8 to P10, 2018 pa. ‘Yong presyo ng gasolina noon at ‘yong presyo ng piyesa ng mga motor eh hindi pa ganito kataas katulad ngayon. Kaya palagay ko naman, reasonable ‘yong P2 increase. Palagay ko naman ay maiintindihan rin [ito] ng ating mga kababayan,” ayon sa Konsehal.
Ayon pa kay Maristela, mahirap ma-please ang lahat ng kampo ngunit binigyang-diin niyang kailangang timbangin ang usapin.
“Sabi ko [sa kanila], siguro in normal situation, P12 lang muna tayo. Ngayon kung abnormal [situation] na ipilit nila [City Government] na isa lang ang pasahero ng tricycle, saka na natin pag-usapan ulit,” aniya.
Susubukan naman umano ni Maristela na makadalo physically sa kanilang regular session sa Lunes upang iulat ang nakayarian sa Committee on Transportation ukol sa fare hike sa tricycle.
Discussion about this post