Nakatakdang isagawa dito sa Lungsod ng Puerto Princesa sa October 8-10 ang oryentasyon para sa pagpapatupad ng Universal Health Care Law.
Ayon kay City Health Officer Ricardo Panganiban, pangungunahan ng Department of Health (DOH) ang oryentasyon na dadaluhan ng government officials, health workers, nurses, midwives at mga doktor.
Layunin nito na malaman kung papaano ipatupad ang Republic Act No. 11223 o Universal Health Care Act na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong February 20,2019 kung saan ang lahat ng Filipino ay otomatikong makakasama sa National Health Insurance Program at pagtatakda ng mga pagbabago sa health system ng bansa.
Sinabi pa ni Panganiban na dahil dito isasagawa ang oryentasyon ay may posibilidad na dito rin sa Lungsod ng Puerto Princesa gagawin ang pilot implementation ng Universal Health Care para sa highly-urbanized cities.
“Hopefully ma-pilot tayo kasi maganda kung ma-pilot ka eh dahil syempre may benefits din yun, magbibigay siya ng funding, mapupunta rin sa mga kababayan natin,“ sabi pa ni Dr Panganiban.
Bagama’t hindi pa matukoy ni Pangiban ang halaga ng maibibigay na pondo, base umano sa inisyal na sinasabi ng DOH dahil sila ang magpopondo ay pre-paid ito at nakabase sa dami ng populasyon ng isang lugar.
Ipinaliwanag niya na hindi ito katulad ng PhilHealth na kanilang konsultahin muna ang pasyente bago sila bayaran.
“Yung UHC ay pre-paid. Halimbawa ikaw LGU, ikaw Puerto Princesa, bigyan kita ng , kunwari lang 10 milyon, para yan sa mga taga-Puerto Princesa. Yung health needs nila,” paliwanag pa niya.
Kinumpirma niya rin na bubuo ng isang advisory group na binubuo ng mga kinatawan mula sa NGOs, Philhealth, LGUs, at natonal government na magsisilbing approving board.
Magkagayunman ang City Health Office umano ang magsisilbing Secretariat ng board at sila rin ang magpapanukala kung saan dapat gamitin ang pera.
Nilinaw naman ni Panganiban na hindi pa tiyak na dito isagawa ang pilot implementation ng UHC pero tinatarget umano ito ng DOH- Regional Office.
Discussion about this post