Inilahad ni Emarivy Leony Lampitoc Perez, isang Palaweñang Nurse na naka-base sa Los Angeles, California, USA ang naging karanasan sa pagkumpleto niya ng Pfizer COVID-19 vaccine. Ang bakuna ng Pfizer ay kailangang maibigay ng dalawang beses para ito maging higit na epektibo.
Ayon kay Perez, isa rin siya sa mga nag-alinlangang makatanggap ng bakuna kontra COVID-19 ngunit isinalang-alang niya ang kaniyang pamilya at pagiging frontliner.
“Sa umpisa siyempre nakakatakot kasi bago ito pero in-expect na namin na tataas yung [COVID-19] case dito sa LA lalo na meron din kaming Flu Season… Maraming [ako naging] tanong pero iniisip ko din yung safety ng pamilya ko lalo na’t nasa healthcare system kami nagtatrabaho ng mister ko… Nung binigay na [yung bakuna ang] sabi ‘oh ready na. magpa-appointment na kayo’… hindi na ako nagdalawang isip… nagpa-vaccine narin ako kaagad. Yung first dose ko was December 21. Wala naman ako masyadong naging reaction kasi after ng vaccination imo-monitor ka pa ng 15 minutes. Doon ka lang kasi may mga possible worst reaction…”
Dagdag pa niya na ipinaliwanag naman sa kanila ang mga maaaring maging reaksyon nila sa bakuna bago binigay ito.
“…chest pain, shortness of breath, weakness, [at] dizziness. Yan ang…kailangan mong [bantayan at kapag nararanasan mo ito dapat nang] pumunta na talaga sa ER. Pero sa check-in namin, expected na pinapaliwanag na ito ang magiging possible na reaction ng vaccine sayo which is manageable.”
Aniya wala siyang naranasan sa mga nabanggit na maging masamang reaksyon noong unang at ikalawang turok ng Pfizer vaccine ngunit nakaramdam na parang tatrangkasuhin matapos ang ikalawang bakuna.
“…sa first injection…parang hindi naman talaga ganun kamasakit na masakit. Pero I’m uncomfortable nga lang [doon sa site na binakunahan]… Ang second dose ko after 21 days. Medyo masakit sa ulo tapos may body pain. Yung tatrangkasuhin ka pero wala kang lagnat. Tapos may soreness doon sa injection site. Uminom lang ako ng gamot [at]…total rest talaga. After that day, okay narin naman.”
Hinikayat niya rin ang publiko na magtiwala sa pag-aaral sa likod ng mga nagawang bakuna at siniguro niya na ang mga reaksyon na kaniyang naranasan ay normal lamang.
“Marami po talaga tayong mga iniisip…pero ang effectiveness ng vaccine eh napakalaki. At kung mayroon po kayong mga [reaction sa vaccine] katulad po ng sinabi ko sa inyo kanina…kailangan niyong pumunta na sa ER para doon po sa inyong treatment. Pero yung mga simpleng mga sakit ng ulo o body pain, pwede po mag-stay muna tayo sa bahay at uminom ng mga gamot at pahinga.”
“Ang vaccine po kasi yan ay pinag-aaralan lalo na ngayon mas advance na yung ating mga technology. So magtiwala po tayo sa siyensya, sa mga research na ginawa nila which is yung fact lang yung nilalabas nila at saka yung effectiveness ng vaccine. Alam ko po na marami pa rin ang nag-aalangan dahil nga doon sa mga reaction pero ito po ay napaka-normal lang at mayroon naman po itong mga gamot…tulad ng…paracetamol,…pahinga at tiwala sa ating mga scientist, dasal din at saka ingat pa din po [tulad ng] handwashing, lagi rin po tayong magmask at saka keep distance po…”
Discussion about this post