Nilinaw ni PNP Station 1 Commander Police Lt. Ray Aron Elona na walang naganap na pangho-holdap sa isang PWD na kinilalang si Christopher Adelantar sa Rizal Avenue nitong nakaraang Sabado, December 26.
Ayon kay Elona, personal na dumulog sa kanilang tanggapan kanina [December 27] ang lalaking nakunan sa CCTV na naka-akbay sa biktima.
Nilinaw anya nito na hindi naman niya hinoldap at sinaktan si Adelantar bagkus ay sinabing nagbiruan lamang sila, taliwas sa sumbong ng biktima sa kanyang ina.
“Hindi naman sila magkakilala pero wala naman talagang nangyaring holdap. Iba lang ang kwento ng PWD sa nanay niya pero ‘yung nanay niya [PWD] ay nasa station din kanina at nagkasundo naman ang both parties na wala talagang nangyaring holdap,” ani Elona sa panayam ng Palawan Daily.
“Hindi na rin daw magsasampa ng kaso ang pamilya dahil alam mo na, may kapansanan ang bata at iba ang naikwento sa nanay. Hindi sila magkakilala pero nagka-kwentuhan at nagbiruan at naiba lang ang kwento sa nanay,” dagdag pa ng opisyal.
Dahil dito, itinuturing aniya ng PNP na sarado na ang kaso kasabay ang panawagan sa lahat na iwasang magpakalat agad ng mga impormasyon lalo na sa social media na nagdudulot ng pangamba sa publiko lalo na sa usapin ng seguridad sa lungsod.
Matatandaan na Sabado ng gabi ng magsimulang kumalat sa social media ang di umano’y pangho-holdap kay Adelantar na agad ding umani ng samu’t-saring mga komento mula sa netizens.
Discussion about this post