Mas paiigtingin na ang panghuhuli ng City Government sa mga colorum na tricycle na namamasada sa lungsod ng Puerto Princesa.
Sa panayam kanina kay City Information Officer (CIO) Richard Ligad sa programang Palawan Daily Newsroom, mas magiging aktibo na ang City Government sa panghuhuli ng mga colorum na tricycle upang hindi maging kaagaw ng mga lehitimong namamasada na tricycle.
“Babalik ang ating war on colorum upang makatulong tayo sa mga may prangkisa na tricycle. Ngayong panahon ng pandemya, although nanghuhuli pa rin tayo, pero ‘yong mga lantaran na lang talaga. Ngayon since uubra naman [ang pagbabawal sa mga tricycle sa highway], kailangan din talaga nating protektahan ‘yong may mga prangkisang tricycle,” ani Ligad.
Nakiusap din si Ligad sa mga driver at operator ng tricycle sa lungsod na kailangan nang sundin ang naunsyaming napagkasunduan na ruta ng mga tricycle dahil sa kautusan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ipagbawal ang pagdaan ng mga ito sa national highway.
“Ang aking pakiusap, sumunod muna tayo dahil may mga sanctions din talaga kapag hindi tayo susunod. Ito naman ay napag-usapan na noong mga nagdaang panahon at alam naman natin na pansamantala lamang itong natigil. Ngunit sa ngayon, sinabi ng DILG na kailangan nang ipatupad, so tayo talaga kailangan na magpatupad ng ganitong alituntunin,” saad ni Ligad.
Samantala, sa post ni CIO Ligad ay sisimulan na bukas, araw ng Miyerkules, ang mas maigting na panghuhuli sa mga namamasadang tricycle na colorum.
Discussion about this post