“Ang sabi nila, hinati lang daw ang Palawan para kaming pamilyang Alvarez ay tatakbo doon sa bawat isa [lalawigan kung naisakatuparang ang RA 11259] ay hindi totoo…”
Ito ang naging tugon ni Palawan Governor Jose Chaves Alvarez nang tanungin kung may kinalaman ang political dynasty sa naging resulta ng naganap na botohan noong Marso 13, 2021 ukol sa Republic Act 11259 o plebisito kaugnay ng paghahati ng palawan sa tatlong probinsya. Usap-usapan kasi na kaya ito isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan partikular na ang gobernador dahil ito ang kaniyang huling termino at tatakbo muli kapag natuloy ang paghahati.
“Wala ngang epekto yung dynasty dahil ang daming [ganiyan dito]. Number 1, wala sa mga anak ko ang susunod sa akin, okay? Tandaan niyo ah…“
“Doon naman sa Norte, ang sabi nila hinati lang daw ang Palawan para kaming pamilyang Alvarez ay tatakbo doon sa bawat isa [lalawigan kung naisakatuparang ang RA 11259] ay hindi totoo yun dahil ako hindi na ako tatakbo [sa darating na eleksyon] eh. Ngunit option ko ‘yun kung tumakbo [pero] baka hindi [bilang] gobernador. From Barangay Captain up to the town mayor [ay] puwede ako [dahil] walang batas na ganun na pagbabawal…”
Aniya hindi lamang ang kaniyang pamilya ang nasa pulitika at wala umano sa kaniyang mga anak ang nais pumalit sa kaniya bilang gobernadora. Wala din namang batas na ipinagbabawal ang political dynasty.
“At saka sa Pilipinas, wala tayong batas dito na anti-dynasty. Si Duterte, si Sara, si Pulong, si Baste, apat sila. Bakit ako? Ako nagpunta lang ako [at] napadpad lang ako rito from 1981 nandiyan na ako sa San Vicente. Ang issue sa akin noong araw [ay] mamamatay tao, kinalbo ang kabundukan [at] mangangamkam ng lupa. Yun pa rin ang isyu ngayon.”
“Kung makapunta kayo ng San Vicente, alin yung kinamkam ko na lupa doon at saka alin yung kinalbo kong bundok? Yung San Vicente na lang ang 84% forest covered sa buong lalawigan na may gubat pa. Hindi ko na kailangan paliwanagan dahil hindi totoo eh. Yang dynasty na issue, sana kayo rin eh maalam kayo na hindi man bawal ngunit wala man susunod sa akin.”
Dagdag pa nito na kung mayroon man ay nasa taumbayan pa rin ang desisyon tulad na lamang sa naganap na eleksyon.
“Anyway kung may dynasty, taong bayan ang pipili katulad ng ngayon ‘YES’ or ‘NO’, ‘diba?…”
Ayon naman sa isang residente na taga-Bayan ng Roxas, nawala ang kaniyang tiwala sa gobernador dahil may nadawit ang pamilya nito at mayroong personal na motibo na nahalo sa pagsulong ng 3in1.
“Nawala yung confidence ko sa kaniya [Governor Alvarez]. Ang hirap. Maganda yung 3in1 kung walang political involvement ng family niya, okay sana ‘yun. Okay sana yung directives at syempre mapapadali naman talaga ‘yung sa ibang mga munisipyo pero dahil alam ko ‘yung family niya na political dynasty kaya ayaw ko nalang. Kasi kahit ‘di sabihin ‘yung pinaka-purpose kung bakit may plebisicite na naganap, madali na lang ‘yung mga tao [makapag-isip at maka-intindi ng mga ganiyang isyu].”
Dagdag pa nito na hindi ito boboto ng kahit sinumang kapamilya ng kasalukuyang gobernador dahil maaaring maulit lamang ang pagsulong sa 3in1 at ang mga usap-usapang motibo umano ng kanilang pamilya.
“Kasi parang mauulit lang din kung magboboto ka ulit [ng kapamilya niya]. Politics is a business ‘yan, diba? So ‘yun. Possible na hindi na siya tatakbo kasi mga family members niya naman ang tatakbo. Hindi ako naniniwala doon [sa sinabi niyang hindi na siya tatakbo]. Kung ano ang boses ng taumbayan, doon ako naniniwala. Mas wise na kasi ang mga tao ngayon.”
Discussion about this post