Bagamat inanunsiyo ng Pangulo kagabi na nasa MECQ na ang Lungsod ng Puerto Princesa, nakatakdang kumpirmahin ng Pamahalaang Panlungsod sa Regional IATF kung aprubado na rin ang travel ban na kasama kasama sa hiniling na MECQ.
Sa live press briefing kanina, tinuran ni City Legal Officer at Local IATF Spokesperson Norman Yap na kasama sa orihinal na kahilingang 14-day MECQ ang pagpapalawig ng travel ban. Ngunit wala pa umano silang natatanggap na opisyal na dokumento mula sa NIATF.
Bunsod nito ay nag-usap sila kaninang umaga at nakayarian umanong susulat ang City Administrator o ang Alkalde upang humingi ng confirmation sa RIATF kung ang hinihinging travel ban ay aprubado na rin. Pero para umano sa kanila ay aprubado na rin ito dahil wala namang nag-object at inendorso pa ito ng RIATF. Idagdag pa ang pagtaas ng risk classification ng Puerto Princesa.
Aniya, kasama sa isinumite nilang LIATF Resolution No. 47 ay ang kahilingang habang nasa MECQ ang lungsod ay maipagpatuloy ang existing travel ban na nakapaloob sa RIATF at Regional Task Force on COVID-19 Joint Resolution No. 6, s. 2021 na may petsang Abril 12, 2021. Kalakip din sa kanilang kahiling na ang mga kawani ng Western Command ang magpatupad ng protocol sa ilalim ng MECQ.
Matatandaang natapos ang travel restriction mula sa NCR plus bubble noong Mayo 31.
“Everything is as is, kung ano tayo noong May, ganoon pa rin po from June 1 t June 15,” ayon kay Yap.
Ipinaliwanag nito na kailangan ang MECQ at Travel Ban dahil punuan na ang mga quarantine facilities. Kapag inalis ang travel ban ay wala na umanong paglalagayan sa mga biyaherong uuwi sa lungsod kung may magpositibo sa COVID-19.
Sinegundahan naman ito ni IMT Commander, Dr. Dean Palanca. Binanggit niyang noon na nagpapasok pa ng mga biyahero, kahit negatibo sila sa dala nilang RT-PCR test ay hindi bababa sa 30 cases ang nagpopositibo sa COVID-19 matapos ang isa o dalawang linggo. Kaya magdadagdag lamang umano ng kaso ang mga uuwing mamamayan ng siyudad.
“Ang problema na lang po muna natin dito within our localities ang ating sana maayos [muna] bago natin matulungan ang susunod itong mga nasa labas pa po ng Puerto Princesa,” mensahe ni Dr. Palanca.
Dagdag naman ng tagapagsalita ng LIATF, sa ngayon ay bugbog na ang health care system ng Puerto Princesa. Kaya tanong niya, sino ang magmomonitor at magsasagawa ng surveillance ng mga darating na pasahero.
“Idadagdag natin ‘yan sa mga umiiyak nang healthcare workers na na ngayon ay hindi na nakatutulog nang maayos?” aniya.
“Lahat ng ito, ang rationale, ‘yong health care system, pinoprotektahan natin, bago pa mahuli ang lahat. So, kung babagsak ‘yong one health care system natin, saan na tayo pupulutin? Sa amin din ang sisi,” dagdag pa niya.
Aniya, hindi madali ang naging desisyon nila sa pagpapalawig sa travel ban ngunit wala umano silang magagawa dahil alinman ang kanilang pipiliin ay may masasagasaan dahil lahat naman ay apektado. Ngunit ang mahalaga umano sa ngayon ay mapangalagaan ang health care system ng siyudad.
“Now, I think it’s only right that we protect the health care system, otherwise, where will we go kung mag-collapse ‘yon? ‘Yon ang binabantayan natin,” giit niya.
KAHIT WALANG TRAVEL BAN
At kahit wala aniyang travel ban, dahil ang siyudad ay nasa MECQ na, ang ikalawang highest quarantine classification, ang mga pinapayagan lamang na pumasok sa mga lugar sa ganitong klasipikasyon sa pamamagitan ng land, sea at air travel ay mga APOR lamang.
Aniya, base sa Omnibus Guidelines, sila ay ang mga health and emergency frontline services at ang mga uniformed personnel, government officials and employees na may official travel, at ang mga authorized humanitarian actors lalo na ang nagta-transport ng medical supplies. Kasama rin ang mga taong babiyahe para sa medikasyon, ang mga taong tutungo o galing sa airport, ang sinumang dadaan sa isang zone para sa pinapayagang trabaho o negosyo sa zone of destination o mga aktibidad na inootorisa ng IATF at ang kanilang pag-uwi at ang mga public utility vehicle operators.
Discussion about this post