Nakakuha ng 73.38 porsiyento ang punong-lungsod ng Puerto Princesa, na si Mayor Lucilo Rodriguez Bayron, at naging dahilan ito upang mapasama sa ika-pitong pwesto sa “performance appraisal survey” na isinagawa ng RP-Mission and Development Foundation Inc. o RPMD.
Kabilang sa survey sa Rehiyon IV-B o MIMAROPA ang Puerto Princesa, kasama ang mga bayan at lungsod ng Palawan; mga bayan at lungsod ng Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, at Romblon.
Ang “appraisal” ay nakatuon sa pitong criteria: pagbibigay ng serbisyo sa mga mamamayan, kakayahan sa aspeto ng pinansiyal, pagpapalago ng ekonomiya, liderato sa pamahalaan, pag-aalaga sa kalikasan, mga proyektong panlipunan, at pakikipag-ugnayan sa mga komunidad.
Pinagtibay ni Dr. Paul Martinez ng RPMD ang mahalagang papel ng malawakang pagsusuri. Ito ay isang mekanismo ng “constructive feedback” para kilalanin ang magandang pamumuno ng isang lokal na lider at magbigay pansin sa kanilang mga gawaing pamumuno. Nagiging gabay din ito para sa mga alkalde upang maipakita ang kanilang mahusay na paglilingkod at pag-angat sa kanilang estado bilang propesyonal.
Ang “Top City Mayors-Region 4 (4a/4b)” ay bahagi ng pambansang programa na “RPMD’s Boses ng Bayan” na isinagawa mula Hunyo 25 hanggang Hulyo 5, 2023. Ang survey na ito ay isinagawa sa pamamagitan ng 10,000 ‘registered voter respondents’ sa bawat distrito, na nagpapatunay sa mataas na antas ng kumpiyansa na 95%.
Discussion about this post