“Pero kung sa aking palagay, mayroon na po tayong variant po dito, kasi base sa mga sintomas,”
Ito ang sapantaha ni Dr. Dean Palanca, Incident Management Commander (IMT) sa katanungan kahapon, April 7, 2021 kung posibleng nakapasok na ba sa Lungsod ng Puerto Princesa ang ibang variant ng COVID-19. Kapansin-pansin aniyang iba na ang nararamdaang sintomas ng ilang mga pasyente na positibo sa virus.
“Hindi na yan basta-basta ubo at sipon lang pero marami pa rin ang ating kaso na ang problema ay may ubo, sipon at medyo makati ang lalamunan o kung minsan sore throat. Pero may kakaibang mga sintomas na po na lumalabas hindi na po siya yung mga same dati na ubo, sipon, lagnat, sore throart, hindi na po ganun.”
Ibinahagi rin ni Dr. Palanca ang naramdaman o sintomas ng ilan sa mga nagpositibo kaya sa palagay nito ay mayroong variant na ng COVID-19 sa lungsod.
“Mayroon kaming mga cases na mga COVID positive, RT-PCR positive siya ang kanyang sintomas ay suka [at] nagta-tae lang ng ilang araw. Mayroon din kaming 2 kaso ang kanyang problema lang ay sobrang sakit ng ulo at nahihilo po siya, magdamagan po yun hanggang kinabukasan. Pina-test po natin yan, RT-PCR positive, swab test positive silang dalawa (2).”
Sa ngayon ay sumulat na sila sa Department of Health (DOH) na pahintulutan na suriin ito sa pamamagitan ng ‘genome test’ upang mapatunayan kung mayroong katotohanan ito.
“Actually nag-letter tayo ngayon sa DOH kung pupuwede makapag-test sila sa ating mga patients, which is kailangan po confirmed COVID case, ibig sabihin RT-PCR test positive yun. Hindi po yan basta basta i-test yung isang rapid antigen test lang na positive.”
“So sa aking palagay maaaring meron pero kailangan po talaga siyang ma-eksamin through genome sequencing o genome test po yun kung mapapayagan po tayo ng Department of Health,”
Discussion about this post