Mas paiigtingin umano ng COVID Marshals sa lungsod ng Puerto Princesa ang pagpapatupad ng health protocols sa lungsod habang mahigpit na paalalahanan ang mga mamamayan na sundin ang mga ito lalo na kung sila ay nasa pampublikong lugar.
Ayon kay Alfred Sy, head ng COVID Marshals, hindi umano nawawala ang mga pasaway na hindi sumusunod sa health protocol gaya ng pagsuot ng face mask, face shield at social distancing pero hindi rin sila magsasawa na paalalahanan ang mga ito.
“Sa ngayon, kami ang makulit na magre-remind sa kanila na kailangan po silang sumunod sa ating minimum health standard. At the same time, [dapat] maintindihan nila [kung] bakit natin ito ginagawa-ito’y para sa kanila rin, para sa kanilang mahal sa buhay, at lalong-lalo po [para sa] ating mga kababayan,” ani Sy.
Dagdag pa ni Sy, pinaalalahanan nila ang mga COVID Marshal na hanggat maaari ay maging mahinahon sa pakikipag-usap sa mga nahuhuling lumalabag ng health protocols.
“Hindi po tayo mag po-provoke sa mga kababayan natin. Alam naman natin na medyo mahirap din talaga na lagi kang nakasuot ng face mask [at] face shield pero ito na po ang katotohanan sa new normal natin na kailangang tanggapin,” kwento ni Sy.
Nanawagan din ito sa mga mamamayan na huwag balewalain ang sariling kaligtasan at maging ang kaligtasan ng ibang tao, kaya dapat ipagpatuloy ang pagsunod sa mga panuntunan ng gobyerno.
“Medyo marami ang makukulit at pilosopo pero palagay ko [ay] mas magiging makulit kaming mga COVID Marshal. Sa ating mga kababayan, sana [ay] pakinggan niyo po kami. Ginagawa po namin ito hindi para sa amin kundi para sa inyo, sa pamilya niyo, mga kaibigan niyo, at lalo na sa ka-barangay niyo,” ani Sy.
Ayon sa Department of Health, aabot sa 85% ang bilang ng makaiiwas sa COVID-19 virus kung susunod ang publiko sa mga health protocol.
Discussion about this post