PUERTO PRINCESA CITY — Sa nakuhang boto na 57, nanalo sa katatapos na eleksiyon bilang bagong Liga ng mga Barangay-Puerto Princesa Chapter President si Punong Barangay Francisco Gabuco ng San Pedro.
Nakatunggali ni Gabuco si Punong Barangay Gerry Abad ng Mandaragat na nakakuha lang ng walong boto.
“Nais ko na ma-unite ang Liga. What I would like to do is makasama ko sila sa lahat ng desisyon ko,” pahayag ni Gabuco sa panayam ng Palawan Daily News (PDN).
Aniya, ibabahagi niya rin ng maayos ang mga chairmanship at membership sa mga miyembro ng samahan ng mga Punong Barangay upang lahat ay mayroong papel na ginagampanan.
Ang tally board ng election sa Liga ng mga Barangay – Puerto Princesa City Chapter. Larawan kuha ni Alexa J. Amparo / PDN.Samantala, maluwag namang tinanggap ng nakatunggali ni Gabuco na si Abad ang naging resulta ng halalan. Aniya, inaasahan na niya ang kalalabasan ng eleksiyon pero nais lang aniyang ipakita ang kaniyang kakayanan na gampanan sakali mang mabigyan ng responsibilidad.
Nagpahayag din ito ng suporta sa bagong uupong pinuno ng liga.
Si Gabuco ay minsan nang lumaban sa parehong posisyon noong nakalipas na halalan sa Liga ng mga Barangay subalit natalo siya ni incumbent president Patrick Hagedorn ng San Miguel.
Uupo si Gabuco bilang ex-officio member ng Sangguniang Panlungsod kapalit ni Hagedorn sa oras na magpalabas na ng recognition at affirmation ang National Liga ng mga Barangay.
Samantala, nahalal namang bilang vice president si Punong Barangay Andres Baaco ng Masigla, habang ang mga bumubuo ng Board of Directors ay sina: Punong Barangays Evangeline Aquino, Margil Avancena Sr., Elena Baradas, Yolanda Evangelista, Estrella Salvador, Reynaldo Taneo, Absalon Umpad at Jane Villarin. (AJA/PDN)
Discussion about this post